Ni Bella Gamotea
Sumailalim kahapon sa inquest proceedings sa Pasay City Hall of Justice ang dalawang lalaki, kabilang ang isang nagpapakilang anak ni dating Senator Ramon Revilla Sr., dahil sa tangkang pagpupuslit ng P24 milyon halaga ng regulated drugs para sa ulcer at abortion, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), nitong Linggo ng gabi.
Dakong 12:00 ng tanghali kahapon nang dumating sa Pasay Prosecutor’s Office at isinailalim sa inquest proceedings sina Reuben Bautista at Glen More Gaddi, kapwa nasa hustong gulang.
Batay sa ulat, tinuluyan ng Bureau of Customs (BoC) authorities ang pagsasampa ng kasong smuggling laban sa dalawang suspek, kahit pa nagpakilala si Bautista na kapatid ng nakapiit na dating senador na si Ramon “Bong” Revilla Jr.
Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay patuloy na kinukumpirma ng awtoridad kung kapatid nga ba ng senador o kaanak ng pamilya Revilla ang naarestong si Bautista.
Kamakalawa ng gabi, nasamsam umano sa tatlong bagahe ni Bautista ang 100,000 piraso ng regulated drug na Cytotec (Misoprostol) na walang permit ng Bureau of Food and Drugs (BFAD), at may kabuuang halaga na P24 milyon, sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City, pasado 11:00 ng gabi nitong Linggo.
Galing sa Singapore ang dalawa at hindi batid na isinailalim sila sa surveillance ng awtoridad sa loob ng paliparan.
Bago dumating sa airport, nakatanggap ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at BoC ng intelligence report mula sa Amerika na nagsabing may bitbit na milyun-milyong pisong halaga ng regulated drugs sa kanilang bagahe sina Bautista at Gaddi.
Sa ngayon ay nakakulong ang mga suspek sa detention cell ng NAIA.