ni Hannah L. Torregoza

Inihayag kahapon ni Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao na handa siyang maging referee upang matigil ang pagbubunuan nina Senador Richard Gordon at Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV.

“Basta kung p’wede akong mag-referee, magre-referee ako…at kung kelangan ng referee,” pahayag ni Pacquiao sa panayam ng Radio DZBB.

“O kelangan natin ipagdasal natin na magkaayos (sila), kasi para sa bansa naman ‘yan,” dagdag pa niya.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Matatandaang pumagitan din ang boksingero nang muntik ng magpang-abot sina Trillanes at Sen. Juan Miguel Zubiri sa Senate session hall kasunod ng mainitang debate sa kung aling Senate panel ang dapat magsagawa ng imbestigasyon sa bribery scandal sa Bureau of Immigration (BI) noong Enero.

Sinabi noon ni Zubiri na hindi niya nagustuhan ang pag-aakusa ni Trillanes na pinagtatakpan nila ni Sen. Richard Gordon ang imbestigasyon ng Senado ukol sa isyu.

Nitong Huwebes, nagkaroon ulit ng mainitang pagtatalo sina Trillanes at Gordon makaraang hindi imbitahan ng huli sina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Manases “Mans” Carpio na dumalo sa Senate blue ribbon committee hearing ukol sa P6.4-billion shabu shipment.

Tinawag ni Trillanes ang komite ni Gordon na “komite de absuwelto” at inakusahan siya na nais nitong sanggahan ang anak ng Pangulo at ang manugang nito mula sa mga alegasyong pagkakasangkot sa bentahan ng ilegal na droga.

“May pagkakamali roon si Trillanes. At ‘yung attitude niya at saka ‘yung sinabi niya, unparliamentary ‘yon,” ani Pacquiao.

“So sana ma-review or ma-imbestigahan sa ethics committee,” lahad ni Pacquiao, na miyembro rin ng ethics panel.

“Hindi mo puwede sabihin komite de absuwelto dahil wala naman pinapanigan ‘yung pag-iimebstiga. The conduct of (the) hearing (is) in aid of legislation. That’s the purpose,” aniya.

Ngunit kung makatatanggap ang panel ng pormal na reklamo mula kay Gordon, ang ethics committee ay magkakaroon ng “obligation” na ito’y tingnan at imbestigahan.

“We will discuss that, and review it. We will have a meeting and so we will evaluate what yung mga sinabi niya and yung mga pangyayari,” lahad ni Pacquiao.

Sa hiwalay na panyam sa Radio DZBB, inihayag ni Trillanes na handa niyang harapin ang anumang reklamo sa kanyang etika na ikakasa ng kanyang mga kasamahan laban sa kanya.

“In the first place, I am very confident that I didn’t do anything unethical. Which is the real point here, did I do something unethical?” tanong ni Trillanes.

“Second is I believe these senators know what is right and wrong especially on these issues. So I will leave it up to them but on my own personal count, suwerte na ni Gordon kung may sasama sa kanyang 3 o 4 Dyan sa ethics complaint niya,” dagdag pa niya.