NI Edwin Rollon

PCSO, may ayuda sa Philippine Sports.

IGINIIT ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na kabilang ang sektor ng sports sa nabibigyan ng tulong pinansiyal ng ahensiya sa nakalipas na panahon, higit ngayong patuloy ang pagtaas ng revenue ng institusyon.

PCSO copy copy

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ayon kay PCSO General Manager Alexander Balutan, umabot sa P45 milyon ang remittance ng ahensiya sa Philippine Sports Commission (PSC) sa nakalipas na taon at inaasahang makapagbibigay sila nang mas mataas na pondo bunsod ng paglaki ng kinita ng ahensiya mula sa STL at Lotto draw.

“Kabilang ang sports sa tinutulungan namin. Yung suporta kasi namin sa charity ang mas talagang nabibigyan ng pansin, but part ng mandate namin na maglaan din ng tulong sa sports kaya, tutulong kami,” pahayag ni Balutam.

Sa pagtaas ng PCSO revenue na P7 bilyon, asahan na mas malaking remittance ang maibibigay para sa mga atleta, ayon kay Balutan.

Batay sa batas na lumikha sa PSC, makakakuha ito ng pondo sa mga special races ng karera gayundin sa PCSO.

May limang porsiyento naman sa kita ng Pagcor ang dapat na makuha ng PSC para tustusan ang pangangailangan ng mga atleta.

“Kasama kami sa programa ng PSC para marating ng ating mga atleta ang minimithing tagumpay sa international competition,” aniya.

Malaking usapin ang pondo sa sports, higit at patuloy ang pagbagsak ng performance ng Team Philippines sa nakalipas na 29th Sea Games sa Kuala Lumpur, Malaysia kung saan nakapaguwi lang ng 24 ginto ang atletang Pinoy.

Ayon sa ilang national sports association (NSA) kulang sa preparasyon at training ang mga atleta.

Pinabulaanan naman ito ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez kasabay nang pahayag na umabot sa P300 milyon ang naibigay ng ahensiya sa lahat ng NSA na sumali sa Sea Games.

“Kung may pagkukulang hindi ang pondo, kundi ang programa ng mga NSA,” sambit ni Ramirez.