NI: Bella Gamotea

Isang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki, na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, ang nadiskubreng tadtad ng bala sa katawan, ibinalot sa packaging tape ang mukha, binusalan ang bibig at nakagapos ang mga kamay habang nakasubsob sa mga basura sa Taguig City, kahapon ng madaling araw.

Inilarawan ang biktima na nasa edad 25-30, nakasuot ng maong na shorts, at puting polo shirt.

Sa inisyal na ulat ni PO2 Victor Biete, ng Taguig City Police, isang saksi, na tumangging magpabanggit ng pangalan, ang nakarinig ng limang putok ng baril at nasilayan ang isang kotse at isang motorsiklo na nakahinto sa tapat ng basurahan sa labas ng Heritage Park, C-5 Road ng nasabing lungsod, dakong 2:00 ng madaling araw.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Pagkaalis ng kotse at ng motorsiklo, dito na nadiskubre ang duguan at wala nang buhay na biktima at agad ipinaalam sa awtoridad.

Narekober sa pinangyarihan ang dalawang basyo ng caliber .40 baril, tatlong basyo ng caliber 45 at isang pakete ng hinihinalang shabu mula sa bulsa ng biktima.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.