Ni: Liezle Basa Iñigo
Isa ang patay at dalawa pa ang nahuli sa buy-bust operation sa magkahiwalay na lugar sa Cagayan.
Sa huling report kahapon ng Cagayan Valley Police, kinilala ang napatay na si Buyi Carera, 23, trabahador, residente ng Barangay Macanaya.
Nakatunog umano si Carera na pulis ang katransaksiyon kaya bumunot ng baril at nagkapalitan ng putok, na ikinamatay nito sa operasyon sa Bgy. Alaguia.
Nakuha umano mula sa suspek ang tatlong sachets ng shabu, isang .38 caliber revolver na may isang fired cartridge, apat na bala, at isang unit battery charger.
Samantala, arestado rin sa buy-bust sina Andres Reylubong, 41; at Rolina Reylubong,43, parehong taga-Purok 1, Bgy. Cato, Tuao, Cagayan, at nakumpiskahan ng apat na sachet ng shabu at P3,000 marked money.