Ni Edwin Rollon
Social media, umuusok sa panawagan ng pagbibitiw ni Cojuangco sa POC.
HINDI pa man nakababalik sa bansa ang mga opisyal ng Philippine Olympic Committee (POC), kuyog na at tampulan sila ng sisi mula sa nitizens sa social network na patuloy ang panawagan ng pagbibitiw mula sa mga lider ng Olympic body, sa pangunguna ni POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco.
Umuusok sa ngitngit ang pahayag nang nitizens bunsod nang kalunos-lunos na kampanya ng Team Philippines sa 29th Southeast Asian Games na nagtapos kahapon sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sadsad at hindi nakabangon ang atletang Pinoy sa ikaanim na puwesto sa overall standings kipkip ang 24 ginto – limang gintong kakulangan para pantayan ang 29 na nasungkit sa Singapore may dalawang taon na ang nakalilipas.
Kasama ang 33 silver at 64 bronze, nakapag-uwi ang delegasyon ng 121 medalya. Hindi rin nalagpasan ng Team Philippine ang 29-36-66/131 medal output sa 2015 edition, sa kabila ng katotohanan na mas malaki ang delegasyon na ipinadala ng bansa at sumabak sa mas maraming event sa Kuala Lumpur.
“There should be a senate hearing on this repeatedly “poorestest” performance! How was the money soent to train?
Training that was converted to vacations abroad? Wtf! komentaryo ni Carlos Gonzales sa Facebook account ni Maxi Green.
“Been saying that for years #PepingResignNow,” pahayag naman ni Mike Limpag.
Hindi nakaalis sa labas ng top 5 sa 11-country biennial meet ang Team Philippines sa nakalipas na anim na edition.
Batay sa record, narito ang medal output ng Team Philippines: 6th place, 2007 Thailand (41-91-96/228), 5th place, 2009 Laos (38-35-51/124), 6th place, 2011 Jakarta (36-56-77/169), 7th place, Myanmar (29-35-37/101), 6th place, 2015 Singapore (29-36-66/131).
Nailuklok si Cojuangco sa ikaapat na termino ‘unopposed’ sa nakalipas na taon matapos hindi payagan na kumandidato si boxing chief Ricky Vargas bunsod ng ‘technicality’ dulot nang kabiguan niyang makilahok sa POC general assembly meeting.
“WHERE IS THE LOGIC? Most of our sports officials have become mere “talent scouts”. VERY SAD!!!!!” sambit ni Philippine Volleyball Federation Chief Tito Boy Cantada.
Iginiit ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez na hindi nagkulang ang pamahalaan para maibigay ang suporta at pangangailangan ng mga atleta. Kabuuang P300 milyon ang ginasta ng ahensiya para sa pagsasanay, allowances at exposure sa abroad ng mga pambato ng iba’t ibang national sports association (NSA’s).
“There’s something wrong. And I think it’s clear. Malaki ang kakulangan ng mga NSA’s. After this SEA Games, definitely we need change. Kami sa PSC, maghihigpit na sa pagbigay ng pinansiyal, lalo na sa mga NSA na walang performance na maipakita,” pahayag ni Ramirez.
Wala pang pormal na pahayag ang POC hingil sa kanilang ‘assessment’ sa naging kampanya ng bansa sa itinuturing pinakamababang international competition na nilalahukan sa abroad.
Ngunit, habang tahimik ang Olympic body, patuloy ang ingay nang panawagan na pagbabago sa kanilang hanay.
Hindi rin napigilan na maglabas ng kanyang pananaw si sportsman Reli de Leon. “TIME TO UNITE AS ONE TIME TO CALL FOR A CHANGE
maybe a million signatures will open the eyes and mind of sports loving filipinos,” ayon kay de Leon, PR manager ni basketball living legend Robert Jaworski, ang balae ni Cojuangco.
“He has been POC president all his life and while he’s there Philippine sport has done nothing but miss winning! Time to get out, please,” panawagan naman ni Raffy Osumo.
‘Let’s trend #PepingResign and taong bayan din dapat mag sign din,’ pahayag ni volleyball afincionado Rolly Quilatan.