Ni NITZ MIRALLES

MASAYA si Dennis Trillo sa pagtatapos ng Mulawin vs Ravena dahil nagawa nila ni Direk Don Michael Perez ang mga napag-usapan nang unang i-offer sa kanya ang project. Higit sa lahat, na-meet ang expectation niya sa fantaserye.

JENNYLYN AT DENNIS copy

“Sa meeting pa lang namin at inilatag pa lang ang project, nag-decide na akong tanggapin at gawin ang Mulawin vs Ravena dahil maganda ang kuwento. First time ko ring gumanap na bida-kontrabida at isa ‘yun sa mga rason kung bakit ko ito tinanggap. Iba ang challenge ng role at karakter ni King Gabriel (role niya),” wika ni Dennis.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Karamihan sa mga kasama ni Dennis sa fantaserye ay mga batang artista ng GMA-7 at kung pinupuri ng mga ito ang kahusayan niya sa acting at pagiging professional, humanga rin siya kina Derrick Monasterio, Miguel Tanfelix, Kiko Estrada, Bianca Umali at Bea Binene.

“Masuwerte nga ako dahil binigyan ako ng GMA ng co-stars na hindi lang mahusay, professional pa at sobra ang pagpapahalaga sa trabaho nila. Masuwerte rin sila na dumadaan sila sa maraming workshop na malaki ang naitutulong sa kanila. Well-prepared na silang nagre-report sa taping at humarap sa camera. Noong panahon namin, wala pang masyadong workshop,” kuwento ni Dennis.

Kulang ang interview kay Dennis kapag hindi naitanong si Jennylyn Mercado at nagtaka kami dahil walang pakiusap sa kampo niya o sa kampo ng Corpcomm ng network na huwag magtanong about Jennylyn and their relationship.

Sa pangungumusta namin sa relasyon nila, sabi ni Dennis, masaya silang dalawa. Papunta na ba sa altar ang kanilang relasyon?

“Posible ‘yan at hindi malayong mangyari. Sa ganda ng nangyayari sa amin ngayon, hindi ‘yan imposible,” sagot ni Dennis na sinundan ng ngiti.

Sayang lang at parang hindi right place na nasa taping kami ng Mulawin vs Ravena para tanungin si Dennis kung ano ang ginawa nila ni Jennylyn sa isang dine-develop na subdivision sa may Rizal a few months ago.

Ang dating sa mga nakakita sa kanila ay nagtsi-check sila ng mabibiling lote na siguro’y patatayuan nila ng bahay kapag ikinasal na sila. Sisiguraduhin naming sa susunod na interview namin kay Dennis, itatanong na namin ang tungkol doon.