Ni: PNA
KUALA LUMPUR, Malaysia — Nagdiwang ang host Malaysia sa matagumpay na kampanya sa 29th Southeast Asian Games na pormal na nagtapos Miyerkules ng gabi sa makulay na palabas at tradisyunal na awit at sayaw na nagbigay kagaanan sa loob nang mga atletang nabigo sa kanilang adhikain.
Nakamit ng Malaysia ang kabuuang 145 gintong medalya para makamit ang overall championship sa unang pagkakataon matapos ang 16 na taon o katumbas ng walong edisyon ng biennial meet.
Tulad nang inaasahan, doble ang selebrasyon ng Malaysia na nagdiriwang din ng ika-60 taon anibersaryo ng kanilang pagiging bansa mula sa dating pamumuno ng Britain.
Nalagpasan ng Malaysia ang dating record na 111 ginto na napagwagihan noong 2001 Games na ginanap din sa Kuala Lumpur.
Ipinahayag ni Prime Minister Najib Razak na ‘public holiday’ sa Sept. 4 bilang pagdiriwang sa matikas na kampanya ng bansa sa SEA Games.
Pumangalawa ang Thailand, kampeon sa nakalipas na limang edisyon, sa nakopong 72 ginto, kasunod ang Vietnam (58), Singapore (57), Indonesia (38) para sa Top 5.
Laglad muli ang Philippines sa ikaanim na puwesto tangan ang 24 ginto. Nasa likod nila ang Myanmar (7), Cambodia (3) at Laos (2). Nabigong magwagi ng gitnong medalya ang Brunei at East Timor.
Tampok din sa pagdiriwang ang pagsasalin ng watawat ng SEAG federation sa Pilipinas na tatayong host sa 2019 edition.
Tinanggap ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, Chairman din ng 2019 Southeast Asian Games Organizing Committee, ang Southeast Asian Games Federation flag mula kay Razak.
Pumailanlang ang Lupang Hinirang, ang Pambansang Awit ng Pilipinas, sa naturang programa na umani nang palakpakan at pagbati sa mga atleta at mga manonood sa ultra-modern National Stadium sa Bukit Jalil.