Nina ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at TARA YAP, May ulat ni Beth Camia

Pormal na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Chief Insp. Jovie Espenido sa Iloilo City, na una nang inilarawan ng Presidente bilang “bedrock” umano ng ilegal na droga sa Visayas.

Ito ang inihayag ng Pangulo matapos niyang gawaran kahapon si Espenido ng Order of Lapu Lapu Medal of Magalong sa selebrasyon ng National Heroes’ Day sa Libingan Ng Mga Bayani sa Taguig City.

Iginagawad ang Magalong Medal sa mga opisyal at kawani ng gobyerno at sa mga pribadong indibiduwal na kinikilala sa kanilang “extraordinary service or have made exceptional contributions to the success of an activity pursuant to a campaign or advocacy of the President.”

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Kilala si Espenido sa pangunguna sa pagsalakay sa mga bahay ng pamilya Parojinog sa Ozamiz City noong nakaraang buwan na ikinasawi ni Mayor Reynaldo Parojinog, Sr. at ng 14 na iba pa.

Siya rin ang hepe ng Albuera Police sa Leyte nang mapatay si Mayor Rolando Espinosa Sr. sa inilarawan ng National Bureau of Investigation (NBI) na rubout sa selda ng subprovincial jail sa Baybay City.

Kapwa iniuugnay sa bentahan ng ilegal na droga sina Parojinog at Espinosa.

“I will ask you (Espenido) again. You asked for the assignment sa Leyte. Namatay ang mayor doon [sa Albuera]. You asked for another assignment sa Ozamiz, namatay ang mayor doon, si Parojinog. Ngayon, gusto mo sa Iloilo, kasi si [Mayor Jed Patrick] Mabilog has been identified as a protector. Mabuhay kaya siya,” sabi ni Duterte.

“Gusto ko lang tanungin kasi ako naman ang pagbibintangan. Ikaw nga ang nagbaril diyan tapos ako ang napa-publish kung saan-saan, eh,” dagdag pa niya, na tinawanan ng mga nakikinig.

Gayunman, pinaalalahanan ni Duterte si Espenido na tumalima sa “rules of engagement, the requirements of the performance of duty” sa pagtupad sa tungkulin.

Matapos ang kanyang speech, sinabi ni Duterte sa mga mamamahayag na pinagtitiwalaan niya si Espenido. “He is a dedicated man. He knows his law. So, he should replicate his exploits in other parts of the country. If he wants to be assigned in Iloilo, I will assign him there.”

Gaya nina Espinosa at Parojinog, iniuugnay din ni Duterte si Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog sa operasyon ng droga. Kaagad namang nilinis ng alkalde ang kanyang pangalan sa pagharap niya sa Philippine National Police (PNP).

Malugod namang sinabi ni Mabilog na masaya siyang makakatrabaho si Espenido sa pagsugpo ng Iloilo City sa droga.

“I look forward to working side by side with Chief Inspector Espenido as the President’s point-man in the battle against illegal drugs in Iloilo, both city and province,” sinabi ni Mabilog sa Balita.

“Naga-laum ako nga mabuligan kita ni Chief Inspector Espenido nga lubos nga matapna ang problema sa illegal drugs.

Sigurado may matun-an kita sa iya experience sa pagpakig-away sa droga, ilabi na sa pagtukib kon sin-o ang bag-o nga players (Inaasahan kong matutulungan kami ni Chief Inspector Espenido sa problema namin sa droga. Sigurado kami na matututo kami sa kanyang karanasan laban sa droga at sa pagtukoy ng mga bagong players),” ani Mabilog.