Ni FRANCIS T. WAKEFIELD

Sampung miyembro ng ISIS-inspired na Maute terror group ang napatay habang nagtatangkang pumasok sa main battle area sa Marawi City sa pamamagitan ng pagdaan sa Lanao Lake.

Sa ulat na nanggaling sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force Marawi, ibinunyag na nasabat ng mga sundalo ng Task Group Musang ang 10 miyembro ng terror group habang nakasakay sa motorized pump boats at nagtangkang lumusot papasok sa main battle area bandang 2:30 ng umaga kahapon.

Agad na sumiklab ang tatlong oras na bakbakan at pursuit operations sa magkabilang panig, ang Joint Task Group Lawa at ang tumatakas na mga terorista.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pagsapit ng 5:00 ng umaga, habang sinusuyod ng tropa ang lugar ay natagpuan nila ang limang bangkay ng kalaban, isang M16 rifle, at ang motorized pump boat.

Nagawa ring ma-neutralize ng tropa ang limang iba pang terorista pero sa kasamaang palad ay hindi nila na-recover ang katawan ng mga ito. Ang isa sa pump boats ay nakita ring lumubog.

Habang isinusulat ang balitang ito, patuloy ang paghahanap ng nagpapatrulyang mga sundalo at pulis sa iba pang napatay at sa lumubog na bangka.

"The recent accomplishment of our ground forces only shows the successful coordination made by our troops and the local government units," sabi ni Lt. Gen. Carlito G. Galvez, Jr., commander ng AFP Western Mindanao Command.

“The plan of the terrorists was earlier reported to us that is why it was easier for patrolling special forces riverine units and maritime policemen to detect and neutralize the movement.

“Let this be a warning to those who have the intention to escape and to enter, our troops are ready for you. We will get definitely get you,” dagdag ni Galvez.