Nina FER TABOY at FRANCIS WAKEFIELD

Hustisya ang isinisigaw ng misis ng isang sundalo na binistay at napatay ng mga pulis sa pansamantalang pag-uwi sa kanyang pamilya sa Zamboanga del Sur makaraan ang tatlong buwang pakikipagbakbakan sa mga terorista ng Maute Group sa Marawi City, Lanao del Sur.

Inihayag naman kahapon ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) na nagsasagawa na ito ng joint investigation upang matukoy ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ni Private First Class Rudillo Bartolome habang naghihintay ng masasakyan pauwi, sa bayan ng Aurora, nitong Miyerkules ng hapon.

Labis na ipinaghihimutok ni Metcheall Bartolome ang 11 bala ng baril na natamo ng kanyang asawa, na hiniling lamang na pansamantalang makauwi mula sa Marawi upang makapiling silang mag-iina.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon sa mga ulat, pinagbabaril ang sundalo ng mga pulis na rumesponde sa Junction Monte Alegre sa Aurora, dahil mayroon umanong armadong gun-for-hire sa lugar.

Nabatid na pinagbabaril umano si Bartolome nina PO2 Ronal Zero at PO1 Michael Bullanda makaraan umanong bumunot ng .45 caliber pistol ang sundalo.

Ayon sa mga report, nakumpirma kalaunan na si Bartolome ay sundalo mula sa 53rd Infantry Battalion ng Philippine Army na kagagaling lang sa Marawi.

Nauna rito, pinayagan si Bartolome ng kanyang immediate superior na pansamantalang umuwi sa kanyang pamilya sa Midsalip, Zamboanga del Sur.

Sa simula pa lamang ng pakikipagbakbakan sa Maute noong Mayo ay nasa Marawi na si Bartolome, at nagsikap na manatiling buhay para muling makapiling ang kanyang pamilya.

“The entire Western Mindanao Command grieves with the family of PFC Bartolome and will extend maximum assistance to his widow and children,” sabi ni Army Captain Jo-Ann D. Petinglay, tagapagsalita ng WestMinCom at Joint Task Force Marawi.

Una nang nilinaw ng tagapagsalita ng AFP na si Brig. Gen. Restituto Padilla na walang indikasyon na dumadanas ng “combat stress” si Bartolome dahil sa pakikipagbakbakan sa Marawi.