Ni Brian Yalung

TARGET ng Philippine Collegiate Champions League (PCCL) na itaas ang level ng sports program ng mga miyembrong liga, kabilang ang ilalargang National Collegiate Championships 3-on-3.

Mula sa anim na orihinal na miyembro, lumobo ang bilang ng mga kasapi sa 35 liga na nakikibahagi sa PCCL games.

Mabilis ang naging tugon ng mga liga dahil na rin sa walang humpay na suporta at paggabay para makamit ng mga miyembro ang minimithing pag-unlad sa kanilang mga programa.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Batay sa paunang usapan, ang tatanghaling National Champion ay pagkakalooban ng M. V. Pangilinan Perpetual Bronze Sculpture - “Abutin ang Tagumpay” – kung saan nakaukit din ang pangalan ng eskwelahan.

Mananatili ang ‘Perpetual trophy’ sa eskwelahan habang hindi na mangingibabaw ang bagong kampeon.

Sa kasalukuyan, ang mga koponan na nakalista na sa perpetual bronze sculpture ang Far Eastern University, San Beda College, De La Salle University, University of Santo Tomas, San Sebastian College, Ateneo de Manila University at University of the East.

Sa season 2017, isasagawa ng PCCL ang 3-on-3 basketball competitions – sumisikat na Olympic sports. Bahagi ito ng promosyon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa 3-on-3 basketball na opisyal nang lalaruin sa 2020 Tokyo Olympics.

Ang PCCL 3-on-3 national championships ay magsasagawa ng limang regional competitions tampok ang 50 collegiate teams.

Ang limang regions ay ang North/Central Luzon, South Luzon/Bicol, Visayas, Mindanao at National Capital Region.