Ni: Bert de Guzman

SA wakas, tinanggap na rin ni President Rodrigo Roa Duterte ang resignation ni Bureau of Customs (BoC) Commissioner Nicanor Faeldon bunsod ng kontrobersiyal na pagkakapuslit ng P6.4 bilyong halaga ng shabu galing sa Xiamen, China.

Pinalitan siya ni ex-PNP Gen. Isidro Lapena, hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), bilang bagong puno ng Customs, ang ahensiya na tinawag ni Mano Digong na “corrupt to the core.”

Buo pa rin daw ang tiwala ng Pangulo kay Faeldon. Naniniwala siyang matapat at malinis ito. Baka ilipat siya sa ibang tanggapan. ‘Di ba sabi niya noon kahit sa higing lang ng usapan (just a whiff), tatanggalin niya ang puno ng isang ahensiya o departamento? ‘Di ba sinibak niya sina DILG Sec. Mike Sueno at NIA administrator Peter Lavina dahil may “whiff of corruption” umano sa kanilang tanggapan? ‘Pag wala na si Faeldon, wala na rin kaya ang tsismis tungkol sa Davao Group na nangungulekta umano ng “tara” sa BoC?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Alam ba ninyong si Lapeña ay nagsilbing pinuno ng PNP sa Davao City noong si PRRD pa ang mayor ng lungsod? Ang papalit sa kanya ay si PNP-Southern Luzon Regional Director Chief Supt. Aaron Aquino na nagsilbi rin sa Davao City police noong alkalde pa ang Pangulo. Sina Lapeña at Aquino ay “trusted men” ni PDU30 sa loob ng maraming taon sa Davao City bilang police officers.

Tiniyak ng Pangulo na hindi pagtatakpan o “whitewash” ang pagkamatay ni Kian Loyd delos Santos, ang 17-anyos na estudyante na napatay ng mga pulis-Caloocan. Sa unang pagkakataon, mukhang tototohanin ni PRRD ang banta niya noon sa mga tiwali at tarantadong pulis na “there’s a hell to pay” sa Unang Sona niya noong 2016.

Pinalakpakan siya ng taumbayan nang ipangako na sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, susugpuin ang illegal drugs, itutumba ang drug lords, dealers, pushers at users upang mawala ang salot na droga. Pero, lumilitaw ngayon na parang mga pipitsuging pushers at user lang ang itinutumba ng mga bata ni Gen. Bato, subalit ang mga panginoon at supplier ng shabu at iba pang mga uri ng bawal na gamot ay dinadala pa sa Senado at nagpapaliwanag.

Sana ay hindi magbago ng isip si Pres. Rody nang sabihin niyang “Erring cops will be jailed.” Sana raw ay hindi matulad ang kaso ng mga pulis na brutal na pumaslang kay Kian sa kaso ni PNP Supt. ... Marvin Marcos, na akusado sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Espinosa matapos ibaba ang murder case sa homicide, pinalaya at na-promote pa. Ang pagkamatay ni Kian ay nakatatak sa utak ng mga Pilipino, kabilang ang mga senador na nagsasalita na ngayon, at waring hindi na urong “ang mga bayag” sa gitna ng maramihang pagpatay bunsod ng illegal drug war nina PRRD at Gen. Bato.

Matindi rin ang panawagan sa mga Pilipino nina Cardinal Tagle at Archbishop Soc. Villegas tungkol sa walang habas na pagpatay sa ngalan ng giyera sa droga!