Ni: Beth Camia at Genalyn D. Kabiling

Kumbinsido si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi pinanghihimasukan ng China ang Sandy Cay malapit sa Pag-asa Island na teritoryo ng Pilipinas at walang dahilan para pag-awayan ito ng dalawang bansa.

Ayon sa Pangulo, tiniyak sa kanya ng China na hindi nito ookupahin o patatayuan ng istruktura ang sandbar na nasa West Philippine Sea.

“China assured me that they will not build anything there. I called the Ambassador nung nabasa ko. He said, ‘We will assure you that we are not building anything there,’” sabi ng Pangulo sa panayam ng media sa Malacañang nitong Lunes ng gabi, na ang tinutukoy ay si Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Hindi nga na-invade eh. Hindi naman totoo iyong sinasabi ni ano —. They are just there but they are not claiming anything,” dugtong niya, nang tanungin kung dedepensahan niya ang teritoryo mula sa China.

Ayon sa Pangulo, hindi maituturing na pananakop ang presensiya ng ilang barkong Chinese sa Sandy Cay kundi pagpapatrolya lamang dahil magkaibigan naman ang dalawang bansa.

“Why should I defend a sandbar and kill the Filipinos because of a sandbar? I have their assurance they will not occupy anything. I believe in their word,” anang Duterte.

Nauna rito ay nanawagan si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio sa gobyerno na gumawa ng hakbang laban sa diumano’y pananakop ng China sa Sandy Cay.