Ni Mary Ann Santiago

Mag-aalay ng siyam na araw na panalangin para sa pagbabalik-loob at pagpapanibago ng puso ng bawat isa ang Diocese of Balanga, Bataan, para sa pangkabuuang kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Ang naturang panalangin ay isasagawa ng diyosesis simula ngayong Martes, Agosto 22.

Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (ECMI) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), lubos na kinakailangan ng bayan ang paggabay ng Panginoon sa muling paglaganap ng kaguluhan at takot sa bansa bunsod ng madugong operasyon ng pulisya kontra droga.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Bahagi ng naturang post communion prayer na iaalay ng lahat ng parokya sa buong Diocese of Balanga Bataan ang patuloy na paggabay ng Panginoon sa puso’t isip ng bawat indibiduwal na gawin ang tama at ang kaloob ng Diyos para sa sanlibutan.

Bahagi rin ang pananalangin para sa lahat ng biktima ng kawalang katarungan sa lipunan, partikular na ang mga napatay sa serye ng madudugong operasyon ng pulisya sa iba’t ibang lugar sa Bulacan at Metro Manila noong nakaraang linggo.

Tiniyak din ni Santos na kaisa sila ng pamilya ni Kian Loyd delos Santos sa paghahanap ng katarungan para sa 17-anyos na Grade 11 student na pinaslang ng tatlong pulis-Caloocan sa Barangay 160 sa lungsod nitong Agosto 16.

“Innocent life is lost with irresponsible and unlawful enactment of law. They should be severely investigated and prosecuted. Truth should prevail and justice be duly served,” ani Santos.