Natusta ang mag-ama habang daan-daang pamilya ang nawalan ng bahay sa pagsiklab ng apoy sa Malate at Tondo, Maynila kamakalawa.
Kinilala ang mga namatay na si Abelardo Salonga, 79, at anak niyang si Jimmy, 47, nang hindi makalabas sa palikuran ng nasusunog nilang bahay sa Adriatico Street, Malate.
Ayon kay Manila Fire District Marshall Supt. Antonio Razal Jr., nagsimula ang apoy sa bahay nina Bobby Fernandez at Misael Damposanan sa 2142-52 Camia St., Adriatico sa Malate at mabilis na kumalat sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials, bandang 3:53 ng hapon.
Dahil sa makikitid na kalsada, nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang apoy kaya tumagal ang sunog ng halos walong oras at tuluyang napatay dakong 11:30 ng gabi.
Ayon pa kay Razal, aabot sa 125 bahay, na tinutuluyan ng 250 pamilya at nasa kabuuang P2.7 milyon ang halaga, ang natupok.
Samantala, sumiklab din ang apoy sa temporary housing site sa Vitas, Tondo at aabot sa 500 pamilya ang nasunugan, bandang 3:09 ng hapon.
Walang iniulat na nasawi sa insidente na nagsimula sa ikalawang palapag ng Building 28 at umabot ng ikalimang alarma, bago tuluyang naapula dakong 10:46 ng gabi. Aabot naman sa P3 milyon ang halaga ng ari-ariang natupok.
Ilegal na koneksiyon ng kuryente ang tinitingnang dahilan ng mga nasabing insidente. - Mary Ann Santiago