Ni: Rommel P. Tabbad
Guilty!
Ito ang hatol kahapon ng Sandiganbayan kay dating Sorsogon Gov. Raul Lee at dalawa pang opisyal kaugnay ng pagkakasangkot sa P728-milyon fertilizer fund scam.
Makukulong ang tatlo ng tig-anim na taon.
Batay sa desisyon ng korte, natuklasang inaprubahan ni Lee ang pagbili ng 2,133 litro ng Bio Nature liquid fertilizer na nagkakahalaga ng P1,500 kada litro, mula sa supplier nitong Fenshan Philippines, Incorporated.
Ayon sa anti-graft court, overpriced ang nasabing pataba dahil nagkakahalaga lamang ito ng P180 kada litro.
Nadiskubre rin ng korte na isinagawa ang pagbili ng abono sa pamamagitan ng dalawang hiwalay na transaksiyon, matapos na magbayad ang pamahalaan ng P189,525 para sa 133 litro ng likidong pataba noong Mayo 6, 2004, at P3 milyon naman para sa 2,000 litro noong Hunyo 28, 2004.
Maliban sa dating gobernador, damay din ang provincial accountant na si Raul Hernandez at ang provincial treasurer na si Ofelia Velasco.