Ni: Merlina Hernando-Malipot
Naglabas ang Department of Education (DepEd) ng mga panuntunan para sa pagsasagawa ng random drug testing sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa sekondarya sa buong bansa.
Inilabas ni Education Secretary Leonor Briones, sa DepEd Order No. 20 series of 2017 na may petsang Agosto 8, ang mga nasabing panuntunan sa pagsasagawa ng “drug testing in public and private secondary schools in SY [School Year] 2017-2018 and thereafter.”
Sinabi ni Briones na ang mga panuntunan ay sumusunod sa “parameters” na nakasaad sa Republic Act No. 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs of 2002” at sa Implementing Rules and Regulations (IRR) nito gayundin sa Dangerous Drugs Board Regulation (DDBR) No. 6 series of 2003, na inamyendahan sa DDBR No. 3 s. of 2009.
Batay sa panuntunan ng DepEd, ang random drug testing para sa mga estudyente ay itinuturing ng pamahalaan na isyung pangkalusugan at naglalayong mabigyan ng lunas ang mga masuring positibo sa paggamit ng mapanganib na droga, at tutulungan ang mga estudyane na maiwaksi ang bisyo.
“The implementation of drug abuse prevention and education programs in schools shall be intensified as an integral part of the overall demand reduction efforts of the government,” saad ng DepEd.
Lumikha ang DepEd ng komite na magbabantay sa pangkalahatang implementasyon ng random drug testing sa mga pampublikong paaralan sa sekondarya. Kabilang sa mga miyembro nito sina Undersecretaries Alberto Muyot at Alain Del Pascua at si Assistant Secretary Nepomuceno Malaluan.
Binigyang-diin rin ng DepEd ang kahalagahan ng pakikibahagi ng mga magulang. Batay sa guidelines, ang lahat ng estudyante at kanilang mga magulang ay iimpormahan sa pamamagitan ng sulat tungkol sa proseso at paraan ng pagsasagawa ng random drug testing.
Tatalakayin sa mga magulang ng mga estudyante na masusuring positibo ang isyu ng paggamit ng droga at pagkalulong dito. Kasama ang Drug Testing Coordinator at isang doktor mula sa Department of Health (DOH), aalamin ang antas ng pagkalulong ng estudyante.
Ang estudyanteng napatunayang drug dependent ay ililipat sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa counselling at paggamot. Maaari rin silang ipasok ng kanilang mga magulang sa pribadong rehabilitation center.
“Under no circumstances shall the test results be used to incriminate any student for further legal action which may result to administrative, civil, or criminal liabilities,” diin ng DepEd.