Ni Genalyn D. Kabiling

Hindi mareresolba ang matinding problema sa ilegal na droga sa buong termino ng isang tagapamuno ng bansa, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-amin na nahihirapan siyang makamit ang bansang malinis sa droga.

Nalaman ng Pangulo na ang panganib na dulot ng droga ay “bogged nations” kabilang ang United States, na sinabi niyang nakikipaglaban sa “a useless war that never ends.”

“Look, itong shabu and drugs, et cetera, cannot be solved by one man for a President for one term. It has bogged nations. Hindi nga kaya ng Amerika, tayo pa?” pahayag niya sa isang business forum sa Mandaluyong City nitong Miyerkules ng gabi.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“America is under siege because of drugs. And they are far worse than us. Yes, of course, they do not admit it,” sambit ng Pangulo.

Aniya, maging si US President Donald Trump ay ginaya ang kanyang babala na “waste them all” sa gitna ng muling pag-usbong ng droga sa Amerika.

“Until now, I said, they’re fighting a useless war there that never ends. And the sad part of it is that most of the drugs are provided by their good neighbors,” sabi ni Duterte.

Una nang binawi ng Pangulo ang kanyang pangako noong kampanya na pupuksain ang ilegal na droga sa loob ng anim na buwan. Sinabi niyang hindi niya inaasahan na ganito kalala ang problema ng bansa sa ilegal na droga.

Sa kanyang talumpati nitong Miyerkules, sinabi ng Pangulo na kung siya ang masusunod, pagpapapatayin na lang niya ang mga tulak ng droga sa bansa upang kahit papaano ay mabawasan ang problema.

“Ako, madali lang talaga kung gusto lang ninyo I can maybe reduce the drug people by almost one half tomorrow. But ‘yung lahat makita ko diyan sa kanto, nagpapabili ngayon, talagang papatayin ko ‘yan,” pahayag ni Duterte.

Ang isa pang paraan, aniya, ay magpatupad ng mas mahigpit na batas sa droga sa bansa.