NI: Ni VANNE ELAINE P. TERRAZOLA
Inamin ng mga senador na kilala nila si Kenneth Dong, ang sinasabing middleman sa kargamento ng P6.4-bilyon shabu na nasabat sa Valenzuela City noong Mayo.
Humarap si Dong, isang negosyante, sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon makaraan siyang tukuyin bilang link kay Richard Tan, ang sinasabing pinagmulan ng bultu-bulto ng shabu na ipinuslit mula sa Xiamen, China.
Hanggang sa nabunyag na kilala niya—at ninong pa sa kasal—ang ilan sa mga senador.
Inamin kahapon ni Senator Joel Villanueva na nag-ambag si Dong ng P3 milyon para sa kanyang kandidatura noong nakaraang taon, ngunit sinabing “[he] barely know” ang negosyante.
“During the campaign, he was one of the businessmen who contributed when I was doing fund raising activities,” pag-amin ni Villanueva. “I never had a personal interaction with Mr. Dong. My campaign manager was the one who receives all the contributions. My conscience is clear.”
Ayon pa kay Villanueva, nakilala niya si Dong sa pagbubukas ng First International Agriculture and Tourism Expo sa World Trade Center noong Hunyo 30, 2011. “Since then, I never had a substantial meeting or interaction with Mr. Dong,” dagdag niya.
Sinabi naman ni Senator Juan Miguel Zubiri na ipinakilala sa kanya si Dong ilang taon na ang nakalipas, at inaming isa siya sa “many senators, politicians and celebrities” na naimbitahan para maging principal sponsor sa kasal ng negosyante noong Nobyembre 2013.
Aniya, bagamat ikinokonsidera niyang “friend” si Dong, hindi umano niya alam kung ano ang negosyo nito, maliban sa pagmamay-ari at pag-i-import nito ng Azuki industrial weighing scales. Dagdag pa ni Zubiri, Disyembre pa niya huling nakita at nakausap si Dong.
Ninang din sa kasal ni Dong si Senator Riza Hontiveros, na umaming tumanggap siya ng campaign funds mula sa negosyante noong nakaraang taon.
“Pare-pareho kaming nagulat nang mabanggit ang kanyang (Dong) pangalan sa Senate Blue Ribbon Committee hearing,” ani Hontiveros.
Bukod kina Hontiveros at Zubiri, ninong din sa kasal ni Dong sina Senators Francis Pangilinan at Ralph Recto.
Idinepensa naman ni Senate President Aquilino Pimentel ang mga kapwa senador at sinabing huwag nang idawit ang mga ito sa kontrobersiya dahil lamang nag-sponsor ang mga ito kay Dong.
“We receive thousands of invitations to stand as a wedding sponsor, sometimes baptism sponsor. We are in politics, and in the Philippines, our culture is that as long as we can accommodate, (we) avoid saying ‘no’ so that we don’t offend them. The sponsors do not have liabilities,” paliwanag ni Pimentel.