ni Ben R. Rosario

Sa gitna ng patuloy na panawagan ng mga nasa Kongreso na magbitiw na sa tungkulin si Customs Commissioner Nicanor Faeldon, pinuri naman ng pangunahing anti-smuggling enforcement agency ng China ang liderato ng komisyuner sa pagkakakumpiska sa 605 kilo ng shabu, na pangunahing ibinabatikos sa kanya ngayon.

Ito ay kasunod ng pahayag ni Pwersa ng Bayaning Atleta Party-list Rep. Jericho Nograles na bagamat naniniwala siya sa integridad at katapatan ni Faeldon, sinabi niyang ang Customs chief “lacks the legal and administrative know-how” upang pangasiwaan ang kumplikadong operasyon ng BoC.

Inaasahang ipiprisinta ni Faeldon sa mga mambabatas ngayong Lunes ang commendation na natanggap ng BoC mula sa General Administration of Customs of China (GACC) kaugnay ng matagumpay na pagkakasabat ng nasa P6.4 bilyon halaga ng shabu mula sa China.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Ipinadala ni Zhang Xiaohui, hepe ng Internaitonal Enforcement Cooperation Division-Anti Smuggling Bureau ng GACC, ang letter of commendation kay Faeldon.

“We hereby certificated (sic) that no Filipino citizen was detected by ASB to be involved in the drug smuggling and that based on our intelligence, there was only one shipment of drug destined for the Philippines and no other shipment was related to this case,” saad sa liham ni Zhang.

Ayon kay Faeldon, pinuri ni Zhang ang Criminal Investigation and Intelligence Service (CIIS) ng BoC, na pinamumunuan ni Director Neil Estrella, dahil sa agaran nitong pag-aksiyon noong Mayo 26, 2017 sa intelligence information na may kinalaman sa China.

Ipagpapatuloy ng Kamara ngayong Lunes ang imbestigasyon sa pagpupuslit ng nasabing bulto ng droga, at inaasahang magpiprisinta ng mga bagong testigo kaugnay ng umano’y kurapsiyon sa BoC.