MACAU – Nagiisang babae sa Team Philippines si Jomary Torres, ngunit sinandigan niya ang bandila ng bansa sa impresibong panalo via submission sa ikalawang round kontra Rika Ishige ng Japan sa women’s atomweight bout ng ONE: Kings and Conquerors sa Cotai Arena rito.
Impresibo ang unang sabak ni Torres sa ONE Championship, pinakamalakaing mixed martial arts promotion sa Asya, sa kabila nang pagiging kabado sa isinagawang press conference nitong Biyernes.
Opisyal na naitala ang panalo ng 21-anyos na fighter may 3:02 ang nalalabi sa ikalawang round matapos makumpleto ang matikas na galaw para sa rear-naked choke na nagpuwersa sa karibal para mag-tap-out.
Ito ang ikalawang pro fight ni Torres, ngunit sa gilas na ipinamalas inaasahang mapapabilang siya sa mga contender sa kanyang division.
Bagsak naman si Ishige sa 2-1.
Hindi naman pinalad ang kababayan niyang sina Eric Kelly at Joshua Pacio na kapwa nabigo sa kani-kanilang karibal na Hapones.
Natalo si Kelly kay Kotetsu Boku sa referee stop the fight sa ikatlong round, habang natamo ni Pacio ang submission loss kontra sa walang talong si Hayato Suzuki.
Bunsod ng kabiguan, nawala ang tsansa ng 21-anyos Team Lakay member na mapalaban kay Strawweight champ Yoshitaka Naito.