Ni: Liezle Basa Iñigo
Apat na kasapi ng Society of Communicators and Networkers (SCAN) ng Iglesia Ni Cristo ang napaulat na nasawi, walo ang nasugatan habang 46 na iba pa ang na-rescue makaraang lumubog sa dagat ang sinasakyan nilang M/V Jamil sa Palanan, Isabela.
Sinabi sa Balita ni Edmond Guzman, hepe ng Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), na karamihan sa mga pasahero ng M/V Jamil ay nanggaling sa Kulasi Port sa Palanan at patungong Dilasag, Aurora nang mangyari ang trahedya nitong Biyernes ng hapon.
Hanggang isinusulat ang balitang ito kahapon ay nasa apat na bangkay na ang narekober ng rescue team, ayon sa pulisya at sa MDRRMC ng Palanan.
Kinilala ni Senior Insp. Mariano Manalo, acting chief ng Palanan Police, ang mga nasawi na sina Dimasalang Valenzuela; Joel Tupil, kapwa taga-Cauayan City, Isabela; Mylene Silva; at Ronald Silva, parehong residente ng Bataan.
Sa salaysay naman ni Fae Francisco, na ang ama ay kabilang sa mga pasehero ng M/V Jamil, na pauwi na ang grupo matapos dumalo sa church dedication sa Palanan at patungong Dilasag nang mangyari ang insidente.
Nakasaad sa Facebook post ni Fae: “Please Help Us Rescue the 53 passengers riding a boat from Kulasi Port (Palanan, Isabela ) to Dilasag. Lumubog po ang bangka. My dad is one of the passengers. Most passengers are members and church officers (SCAN) of the Iglesia Ni Cristo who visited Palanan for the Church dedication.”
Ang ama ni Fae, si Oliver Borromeo Francisco, ay district president ng SCAN International, at city planning officer ng Cauayan City. Naospital siya sa nasaktang binti ngunit iniulat na maayos na ang lagay.
Sinabi naman ng pulisya na kakasuhan nila ang kapitan ng bangka na si Mansio dela Cruz ng reckless imprudence resulting to multiple homicide and damages.
“Wala siyang (dela Cruz) permiso na mag-travel sa barangay, lalo na may weather advisory na may bagyo sa lugar,” sabi ni Senior Insp. Manalo.