NI: Leandro Alborote
SANTA IGNACIA, Tarlac - Dahil sa pag-aaway ng isang mag-asawa sa P20, kapwa sila umalis ng bahay hanggang nagpasya ang lalaki na magbigti sa Purok 3, Barangay Cabaruan, Santa Ignacia, Tarlac, nitong Huwebes ng hapon.
Sa report ni PO2 Kevin Breis, gumamit ng lubid sa pagbibigti si Henry Jose, 28, miyembro ng Bantay Bayan sa nasabing lugar.
Sinabi naman sa pulisya ng kapatid ni Jose na dakong 6:30 ng gabi nang nakita niyang nagtatalo ang mag-asawa sa halagang beinte pesos hanggang umalis ng bahay si Jose at nagpalipas ng sama ng loob sa bahay ng kapatid, habang dumiretso naman sa barangay secretary ang ginang upang idulog doon ang insidente.
Ayon naman sa ina ni Jose, ito na ang pang-apat na beses na nagtangkang magpatiwakal ang anak.