Ni: Celo Lagmay
MALIBAN sa mga ‘ad lib’ na naging bahagi ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, wala akong narinig na gaanong pagbabago kung ihahambing sa kanyang SONA noong nakaraang taon. Ang naturang ad lib na batbat ng pambu-bully, pananakot, paniniil, panduduro subalit may kaakibat na paggalang at pagkamahinahon na hiwalay sa nakasulat na talumpati ng Pangulo.
Ang pormal na bahagi ng SONA ng Pangulo ay mistulang pagbibigay-diin lamang sa patuloy na pagsasakatuparan ng mga ipinangako ng kasalukuyang administrasyon. Naniniwala ako na ang mga proyekto at programa na sinimulan nito ay nakatuon sa paglikha ng malinis na gobyerno para sa maginhawang pamumuhay ng mga mamamayan.
Nais kong pag-ukulan ng pansin ang maituturing na kagila-gilalas na bahagi ng ad lib ng Pangulo. Wala siyang sinisino sa pagpuna sa sinasabing mga nakadidismayang pamamalakad ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. May pahiwatig na ang Commission on Human Rights (CHR) ay hindi kumikilala sa mga tunay na biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Hindi man lamang ito kumibo, halimbawa, sa karumal-dumal na pagpatay ng isang pamilya sa Bulacan na umano’y kagagawan ng isang sugapa sa alak at ilegal na droga. Nakatutok lamang ito sa mga human rights violation ng mga tauhan ng gobyerno.
Walang patumanggang tinalampak ng Pangulo ang mga Komunista – CPP/NDF/NPA – sa tahasang pagbasura ng sinimulang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng naturang mga grupo. Sa akusasyon ng mga komunista sa pambu-bully ng Pangulo, tandisan niyang sinabi: “I am a bully especially to the enemies of the state.” Nakatuon din ito marahil sa mga kritiko ng administrasyon.
Kasabay ito ng pagpapamalas ng Pangulo ng kanyang galit sa tinatawag na mga “kaliwa”. Kauna-unahan sa kasaysayan ng Panguluhan ang buong-tapang na pagharap ng isang lider sa mismong kalaban ng... gobyerno sa isang okasyong tinaguriang “security nightmare”.
Pati ang Korte Suprema ay pinasaringan ng Pangulo kaugnay naman ng ipinahiwatig niyang masalimuot na pagkakaloob ng temporary restraining order (TRO) ng mga hukuman. Samantalang kinikilala niya ang kapangyarihan at independence ng hudikatura, ipinaramdam niya na ang pagpapalabas ng TRO ay may kaakibat na mga katiwalian.
Wala ring pakundangang tinuligsa ng Pangulo ang United States hindi lamang sa pakikialam nito sa kanyang pamamalakad kundi sa paulit-ulit na pagtanggi ng mga Kano na isauli ang ating Balangiga bells na kinuha nila noong kasagsagan ng Filipino-US war.
Sa pagtuligsa ng Pangulo sa nabanggit na mga isyu, at sa marami pang iba, maliwanag na wala siyang sinisino.