Ni: Ric Valmonte

NANALO si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso sa panukala niyang palawigin ang idineklarang martial law at suspensiyon ng writ of habeas corpus sa Mindanao hanggang Disyembre 31, 2017. Sa joint session ng Kamara at Senado, sa napakalaking kalamangan, kinatigan ng mga mambabatas ang nasabing panukala ng Pangulo. Nagapi ang mga tumutol dito na nagnanais na wakasan na ang martial law sa Mindanao.

Pero, may konsuwelo ang mamamayan. Mayroon kasi silang naging mga boses sa naganap na pagwawari ng Kongreso sa martial law. Sila ay sina Sen. Pia Hontiveros at ang pitong estudyanteng nakapasok sa session hall ng Batasang Pambansa. Napakatalim ng mga argumentong isa-isang inilatag ng Senadora bilang suporta sa kanyang posisyon na tapusin na ang batas militar. Ayon sa kanya, na talaga namang totoo, sobra-sobra ang mga batas para sa layunin ng gobyerno na supilin ang mga kalabang nanggugulo sa Marawi. Hindi na kailangan ang martial law, sa dami ng mga batas, para magapi ang tinutugis ng mga militar at ng mga pulis na Maute group at iba pang grupo na umano’y konektado sa teroristang ISIS. Tutal, aniya, wala namang naidadagdag na kapangyarihan sa Pangulo ang martial law power.

Kasing eloquent ng Senadora, sa paglalahad niya ng kanyang katwiran laban sa pagpapalawig ng martial law, ang pitong estudyanteng nagbuhat sa iba’t ibang paaralan. Hindi sila mambabatas. Pero nagawa nilang makapasok sa session hall hindi upang makinig, kundi upang sumali sa deliberasyon para ihayag ang damdamin ng taumbayan na initsapuwera ng kanilang mga mambabatas na kumatig sa martial law ng Pangulo. Buong-tapang na nagsisigaw at iwinagayway nila sa loob ng session hall ang mga karatula na nilalaman ng kanilang saloobin at damdamin ng kanilang kinakatawan: Wakasan na ang martial law.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May lakas ka dahil kasama mo si Kristo

Hindi tulad ni Sen. Hontiveros na nanatili sa loob ng session hall hanggang sa natapos ang pulong, agad dinakip ang mga mag-aaral at dinala sa presinto. Pinapanagot sila sa kasong Disturbance of Legislative Proceedings sa paghahayag ng saloobin. Ang session hall ay hindi limitado para sa nahalal na mga mambabatas. Ito ay bukas sa sambayanan.

Karapatan ng mga mag-aaral ang kanilang ginawa lalo na’t napakaselang isyu ang pinag-... uusapan at nakikita nila na pinagtataksilan ng kanilang mga mambabatas ang kanilang kapakanan. Tama lang ang kanilang ginawa dahil sa nangyayaring krisis ngayon sa bansa, hindi dapat ipinauubaya lang sa mga nakatatanda sa kanila ang kanilang kapalaran. Higit na sila ang papasan sa kahirapan, gaya ng dinanas ng mga nauna sa kanila nang ideklara ang martial law sa buong bansa.

Walang bisa ang piitan sa pitong mag-aaral na naghayag ng kanilang prinsipyo at simulain. Hindi mo sila masasawata para isulong ang kanilang layunin. Baka ang nangyari sa kanila ay muling bumuhay sa militant student activism sa bawat paaralan na kapag nagsanib ay magiging isang bombang higit na malakas pa sa mga pinasabog ng militar sa Marawi na yayanig sa mga kaaway ng bayan na nagpapanggap na sila ay para sa kanyang kapakanan.