Ni: Ali G. Macabalang

MARAWI CITY – Pumayag ang agresibong evacuees na ipagpaliban ang pagbabalik nila sa kanilang wasak nang lungsod sa pakiusap na rin ng limang miyembro ng Gabinete, kaya nagsagawa na lang sila ng State-of-Bakwit Address (SOBA) sa Iligan City kasabay ng State-of-the-Nation Address ni Pangulong Duterte kahapon.

Sa pangunguna ng mga nag-organisa ng balik-Marawi na sina Alim Abu Muhammad Sarangani at ng iba pang Maranao religious leaders, pinakinggan ng mga ito ang petisyon nina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Labor Secretary Silvestre Bello III, Muslim concerns official Abdullah Mama-o, Guiling Mamondiong, at Abul Khayr Alonto ng Mindanao Development Authority (MinDA), sa pagpupulong sa Iligan City nitong Linggo, ayon sa sources ng may akda.

Ayon kay Alinair Decampong, na nakasaksi sa pag-uusap nitong Linggo, sinabi umano ng mga miyembro ng Gabinete na maghahanda sila ng mga sasakyan para sa ligtas na biyahe ng mga kinatawan bilang ayuda, sa araw ng pagbabalik ng mga bakwit sa Marawi, pagkatapos ng SONA ng Pangulo.

Probinsya

15-anyos na dalagita, patay matapos umanong gahasain ng 13 lalaki

Sa pagpayag sa pagpapaliban ng pag-uwi, isinagawa ng namumunong evacuees ang SOBA upang maisapubliko ang kanilang mga hinaing at inaasahan ng kapwa evacuees, na nagsimula bandang 10:00 ng umaga kahapon sa Ma’had Al-Nor Al Islami Madrasa, sa Ceanuri Subdivision sa Iligan City, pahayag ni Drieza Abato Lininding, event organizer ng SOBA.

Sa Facebook post nitong Linggo ng gabi, sinabi ni Lininding na ipoprotesta rin nila sa SOBA ang limang-buwang pagpapalawig ng Kongreso sa batas militar.