Ni AARON B. RECUENCO
Nangako ang Philippine National Police (PNP) na tutukuyin ang pagkakakilanlan at aarestuhin ang lahat ng hinihinalang rebelde na nanambang sa isang grupo ng mga pulis, na ikinamatay ng anim sa mga ito kabilang ang hepe, sa Guihulngan City sa Negros Oriental, nitong Biyernes.
“We will not stop until the perpetrators are made to answer for their crime,” sabi ni Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP.
Sinabi ni Carlos na reresponde sana ang mga tauhan ng Guihulngan City Police sa isang insidente ng ambush nang pagbabarilin ang mga ito ng mga rebelde sa Barangay Magsaysay, bandang 10:00 ng umaga.
Nasawi si Supt. Arnel Arpon, hepe ng Guihulngan City Police, at mga tauhan niyang sina SPO2 Necasio Tabilon, SPO1 Jesael Ancheta, PO3 Couvic Agosto, PO2 Alvin Paul Bulandres, at PO2 Alfredo Dunque.
Tatlo pang pulis ang nasugatan sa insidente, at kinilala silang sina SPO4 Jerome Delara, PO3 Jordan Balderas, at PO2 Jorie Maribao.
Sinabi ni Carlos na mariing kinokondena ng PNP ang nasabing pag-atake.
Isa ang nasabing pananambang sa mga naging dahilan upang kanselahin ni Pangulong Duterte ang usapang pangkapayapaan sa mga rebelde, at suportado ng PNP ang desisyong ito ng Presidente.
Una nang ibinunyag ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa na magsasagawa ng mga pag-atake ang NPA bago sumapit at sa mismong araw ng State-of-the-Nation Address (SONA) ng Pangulo bukas.