Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Inihayag kahapon ng Malacañang na mananatiling suspendido ang lahat ng negosasyon sa mga komunistang rebelde hanggang hindi nakatutupad ang mga ito sa mga kondisyon ng gobyerno.

Ito ay makaraang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa kanyang pagbisita sa Marawi City nitong Huwebes, na ayaw na niyang ipagpatuloy ang peace talks kasunod ng pananambang ng New People’s Army (NPA) sa convoy ng Presidential Security Group (PSG) sa North Cotabato nitong Miyerkules.

“Ayoko nang makipag-usap sa kanila. Marami na akong pulis na pinatay nila. Marami na akong sundalong pinatay nila,” sabi ni Duterte.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file sa pagkasenador at party-list sa huling araw

Sa press briefing kahapon ng umaga, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na mananatiling suspendido ang negosasyon ng pamahalaan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

“Everything is on hold at this stage until conditions that are favorable will be agreed upon by both parties,” ani Abella. “We follow that line. At this stage, there’s no talks until the conditionalities are met.”

‘IN GOD’S TIME’

Sa kaparehong press briefing, sinabi ni National Security Adviser Chief, retired Gen. Hermogenes Esperon Jr., na inaasahan niyang walang intensiyon ang NPA na atakehin ang mismong Pangulo.

“Despite the attacks, the President ay gusto pa rin ng peace talks. I hope it was not the intention of the NPA [na atakehin ang Pangulo], but hindi natin masabi,” ani Esperon.

Idinagdag pa ni Esperon na ito na sana ang pinakaakmang panahon upang ipagpatuloy ang peace talks, dahil abala rin ang pamahalaan sa paglipol sa mga terorista sa Marawi City.

“It’s in God’s [time]. Tama ba ‘yung environment ngayon na mag-usap? Lalo na parang lumalabas na meron tayong problema sa Marawi,” sabi ni Esperon.

Ito ang ikalawang beses na kinansela ni Duterte ang negosasyon sa CPP-NDF, na ang una ay noong Pebrero, nang bawiin ng huli ang unilateral ceasefire at atakehin ang puwersa ng militar, na nagresulta sa pagkasawi ng tatlong sundalo sa Msindanao.

NEXT TARGET: NPA

Sa pagbisita sa Marawi nitong Huwebes, sinabi rin ng Pangulo na tututukan niya ang pagdurog sa NPA pagkatapos na malipol ang Maute Group sa Marawi.

“There is a strong resurgence. Nabubuhay na naman ang NPA. Pagkatapos nito (Marawi siege)—l*tse itong putukan na ito—kapag naubos na ang mga ul*l diyan, magre-orient tayo. NPA na naman, kasi marami silang utang sa atin. Ayaw ko na makipag-usap sa kanila,” sabi ng Pangulo.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Esperon na bagamat Maute Group ang pangunahing dahilan sa martial law sa Mindanao, target din nito ang NPA sa layuning matuldukan na ang kaguluhan sa Mindanao.