Ni: Manny Villar
MALIWANAG ang mga target sa ilalim ng Philippine Development Plan 2017-2022.
Una, layon nito na sa taong 2022 ay isa nang upper middle-income na bansa ang Pilipinas. Ang ibig sabihin nito ay lumalago ng 50 porsiyento ang ekonomiya at ang per capita income ay tumataas mula sa $3,550 noong 2015 hanggang $5,000 sa 2022.
Pangalawa, mas marami ang nakikinabang sa paglago ng ekonomiya kaya ang antas ng kahirapan sa mga lalawigan ay bababa sa 20% sa 2022 mula sa 30% noong 2015. Ang pangkalahatang antas ng kahirapan ay bababa mula sa 21.6% noong 2015 hanggang 14.0% sa 2022, katumbas ng anim na milyong Pilipino na nahango sa kahirapan.
Lubos kong sinusuportahan ang dalawang target na ito dahil sa kabila ng magandang pagtakbo ng ekonomiya sa nakaraang ilang taon, marami pa rin sa ating mga kababayan ang nahihirapang pagkasyahin ang kaunting kinikita sa kanilang pangangailangan. Salamat at ginawa itong prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi lamang tayo ang naniniwalang maaabot natin ang ating mga hangarin. Tinukoy ng Euromonitor International, isa sa mga pangunahing organisasyon sa pananaliksik, na ang Pilipinas, kasama ang China, India, Indonesia at Nigeria, ay may malaking potensiyal na maging middle class.
Ito rin naman ang pangarap ng ating mga kababayan. Nais nila na mamuhay nang hindi nag-aalala sa kakainin o kung saan kukuha ng itutustos sa pag-aaral ng mga anak. Naniniwala ako na kailangan silang tulungan upang matupad ang kanilang mga pangarap.
Nakatutulong din sa Pangulo ang pagkakaroon ng magagaling na miyembro ng kanyang economic team. Sa isang panayam, sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez na nasa mabuting kalagayan ang ekonomiya sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Tama ang aking kaibigang si Sonny Dominguez. Hindi maitatago ng ingay-pulitika ang malakas na pagsulong ng ating ekonomiya. Dati ay idinadaing natin ang paudlut-udlot na galaw ng ekonomiya, ngunit ngayon ay kinikilala na tayong pinakamalakas at patuloy... pang lumalakas na ekonomiya sa ating panig ng mundo.
Sa ilalim pa rin ng PDP 2017-2022, ang ating bansa ay magkakaroon ng mataas na antas sa human development o pag-unlad ng mamamayan. Ang antas ng kawalan ng trabaho ay bababa mula sa kasalukuyang 5.5% hanggang sa 3.5%. Ang mga mamamayan ay may tiwala sa kanilang pamahalaan, at ang mga indibiduwal at mga komunidad ay matatag, at ang mga Pilipino ay nagsusulong sa inobasyon.
Layon din ng plano na magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan, seguridad, kaayusan, mabilis na pag-unlad ng imprastruktura at malinis na kapaligiran.
Ang lahat ng ito ay bahagi ng komprehensibong plano upang matiyak na lahat ng ating pangarap ay magkakatotoo. Ang Pilipinas ay magiging isang bansa kung saan wala nang magugutom, lahat ng mamamayan ay magkakaroon ng pantay na oportunidad sa ilalim ng makatarungang lipunan na pinamamahalaan ng kaayusan at pagkakaisa.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)