Ni: Ric Valmonte

“ITURO mo sa akin ang batas sa iyong bansa o sa aming bansa na nagsasabing hindi mo puwedeng pagbantaan ang isang kriminal na sinisira ang iyong bansa,” wika ni Pangulong Duterte. Bahagi ito ng kanyang talumpati sa pagtitipon ng Filipino-American “tourism ambassadors” na ginanap sa SMX Convention Center sa Lanang, Davao City.

Totoong walang batas na malalabag kung pagbabantaan mong patayin ang kriminal. Pero tama si Ombudsman Morales na hindi katanggap-tanggap na ang pagbabanta ay namumutawi sa bibig ng Pangulo o ng sinumang lider ng bansa.

“Naghihikayat lang ito ng tao na pumatay ng kanyang kapwa tao,” wika niya.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Tingnan ninyo ang halimbawa na pinagbatayan ng Pangulo kung bakit ginagawa niya ang magbanta sa mga kriminal. Iyon daw massacre ng limang tao sa San Jose del Monte, Bulacan ay ayaw niyang mangyari. Ang sabi ng Pangulo ay lungo sa droga ang mga pumatay sa dalawang babae at tatlong bata. Ang lima ay pinatay sa saksak sa loob ng kanilang tahanan.

Ayon sa forensic report at DNA test lumalabas na mahigit sa isa ang gumawa ng krimen, at hinalay pa ang dalawang babae.

Nakiramay ang Pangulo sa mga naulila at nagbigay pa ng tulong pinansiyal. Nang magsalita siya, pinagbantaan niya ang mga kriminal na kanyang papatayin kung mahuhuli niya sila.

Pero hindi na kailangang mahuli pa niya ang mga ito. Nangyari ang sinabi ni Ombudsman Morales.

Maliban sa pangunahing pinaghihinalaan na si Carmelino Ibañez na hawak na ng pulisya, ang iba, kahit pa “persons of interest” pa lamang, ay pinatay pagkaalis ng Pangulo. Sina Rolando Pacinos, alyas “Inggo”; Anthony Rosa, alyas “Tony”; at Rosevelt Somera, alyas “Ponga”, ay pinaslang ng mga hindi nakikilalang tao, samantalang si Alven Mabesa ay nanatiling nawawala.

Si Pacinos ay natagpuang bangkay at may paskel na naglalaman ng mga katagang “rapist” at “drug addict”, pero si Somera, sa una pa lang, ay itinanggi nang may kinalaman siya... sa insidente. Nakapanayam pa siya ng media at pinatotohanan ng kanyang maybahay na natutulog sila sa kanilang bahay nang mangyari ang krimeng ito. Negatibo pa siya at sina Pacinos at Rosa, sa ginawang DNA test.

Wala ngang batas na nagbabawal sa pagbabantang papatayin ang mga kriminal, pero may mga batas na nangangalaga sa mga karapatan ng tao. At ang mga karapatang ito ang pumipigil, lalo na sa isang Pangulo o lider ng bansa, na magbantang papatay.

Kasi, tulad ngayon na pangkaraniwan nang nangyayari, basta pumapatay na lang ang tao ng kanyang kapwa na sa akala niya ay kriminal. Siya na ang imbestigador, prosecutor, hukom at berdugo.

Ito ang napakasamang epekto sa sistema ng ating hustisya ng pagbabantang ginagawa ng Pangulo.