Pinoy cagers, nakadalawa sa Taiwanese sa Jones Cup.

TAIPEI -- Sa pagkakataong ito, buraot na ang Chinese-Taipei sa Team Philippines Gilas.

Sa ikalawang sunod na laro, kinuyog at hiniya ng Gilas Pilipinas ang local boys sa harap nang nagbubunying home crowd sa impresibong 93-82 panalo sa Chinese-Taipei B kahapon sa 39th Jones Cup sa Taipei Heping Gymnasium.

WRIGHT copy copy

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Halos 17 oras ang nakalipas nang pasukuin ng Gilas ang Chinese-Taipei Team A, 88-72, ratsada muli ang Gilas, ngunit sa pagkakataong ito, kinabog muna ang bench ni coach Chot Reyes.

Dikit ang laban mula simula hanggang sa huling anim na minuto nang laban kung saan nangungunyapit ang Taiwanese sa 75-77.

Pinangunahan ni Roger Pogoy sa naisalpak na three-pointer ang 11-2 run ng Gilas para makalayo sa 88-77 may 2:10 ang nalalabi sa laban. Sa naturang run, nagbunyi ang maliit na Pinoy crowd na binubuo ng mga overseas Filipino Workers, higit nang maisalpak ni Jio Jalalon ang pahirapang tira sa baseline.

"If our team lacked energy, we're nothing. But if we can't have pace, we're in trouble," reklamo ni Gilas coach Chot Reyes, patungkol sa malamyang birada ng Gilas.

"We don't have a low-post threat where we can just dump the ball inside and let him do his thing, so we really need the pace and energy out there. Fortunately, we were able to grind this one out today," aniya.

Nanguna si Matthew Wright sa Gilas sa naiskor na 21 puntos tampok ang 5-of-9 shooting sa three-point area – ikalawang sunod na double digit ng Fil-Am boy – habang kumana si import Mike Myers sa nakubrang 14 puntos at 14 rebound.

Nag-ambag si Kiefer Ravena ng 10 puntos at pitong assist, habang tumipa si Christian Standhardinger ng anim na puntos at siyam na board at kumana si Jalalon ng 13 puntos, limang rebound, limang assist at isang steal para sa Gilas na umabante sa 2-1 karta.

"Our energy level was much higher yesterday, but I think it's just normal because there was a lot of running, a lot of physicality. But we found a way to play through it," pahayag ng 6-8 Fil-German na si Standhardinger.

"Games such as this are harder to win, so I'm happy we were able to do it," aniya.

Sa kabila nito, dalangin pa rin ng Gilas na mabalahaw ang Canada para maidepensa ang korona. Nakopo ng Canadians, gumapi sa Gilas sa opening day, ang ikatlong sunod na panalo nang pabagsakin ang Iraq, 99-48.

Iskor:

Philippines (93) – Wright 21, Pogoy 15, Myers 14, Jalalon 13, Ravena 10, Ferrer 8, Cruz 6, Standhardinger 6, Daquioag 0, Paras 0, Pessumal 0, Vosotros 0.

Taipei B(82) - Chen 17, Barone 16, Huang 13, Chen G 9, Lee 8, Chien 5, Wen 5, Liu 3, Fan 2.

Quarters: 18-20, 44-44, 69-62; 93-82.