Ni: Beth Camia, Leslie Ann Aquino, at Elena Aben

Walang kwenta at masyadong malamya ang mga kasong inihahanda laban kay dating Pangulong Benigno S. Aquino III kaugnay ng naging papel nito sa Mamasapano massacre, na ikinamatay ng 44 na operatiba ng Special Action Force (SAF) sa Maguindanao noong 2015.

Ito ang ginawang paglalarawan ni Atty. Ferdinand Topacio, isa sa mga abogado ng mga kaanak ng tinaguriang SAF 44.

Sinabi ni Topacio na kukuwestiyunin nila kung bakit graft ang inirekomenda ng Office of the Ombudsman na isampa laban kay Aquino, gayung reckless imprudence resulting to homicide ang inihain nilang kaso laban sa dating Pangulo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Bukod kay Aquino, pinakakasuhan din ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ng graft at usurpation of authority sina dating Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Alan Purisima at dating SAF Director Getulio Napeñas.

Ayon kay Topacio, para lamang sa nagnakaw ng ballpen ang nasabing kaso (graft) at hindi, aniya, binigyang-halaga ng Ombudsman ang buhay ng mga napatay na police commando.

MAGHAHAIN NG MOSYON

Dagdag ni Topacio, sa halip na matuwa ay higit pang ikinagalit ng mga kaanak ng SAF 44 ang naging desisyon ng Ombudsman, na halata aniyang may “ulterior motive” sa kaso.

Dahil dito, sinabi ni Topacio na maghahain sila ng motion for recommendation upang tutulan ang nasabing rekomendasyon ng Ombudsman.

Sa panig ni Aquino, sinabi ng tagapagsalita niyang si Atty. Abigail Valte na pinag-aaralan na nila ang kanilang magiging susunod na hakbang kaugnay ng kasong isasampa laban sa dating Presidente.

‘VINDICATION’

Tinawag naman ni Fr. Jerome Secillano, ng Nuestra Señora del Perpetuo Socorro Parish, na “vindication for the families of SAF 44” ang pagsasampa ng kaso upang papanagutin si Aquino sa pumalpak na raid.

“This is a vindication for the families of SAF 44 who perished in the Mamasapano debacle,” ani Secillano, idinagdag na pinatunayan ng Ombudsman na isa itong “watchdog” ng publiko laban sa mga tiwali at mapag-abusong opisyal.

Kumpiyansa naman si Senator Bam Aquino na madedepensahan ng pinsan niyang dating Pangulo ang mga kasong kriminal na ihahain laban dito.

LALABAS ANG KATOTOHANAN

Sinabi ng senador na sa isinagawang imbestigasyon ng Senado sa usapin “the former President was candid and transparent with his role and involvement in the Mamasapano tragedy.”

“We hope that this case will be an opportunity for the courts to reveal the truth and, once and for all, settle this incident in accordance with the rule of law,” sabi pa ni Sen. Aquino.

Nanindigan naman si Senate minority leader Franklin Drilon sa resulta ng nasabing pagsisiyasat ng Senado na natukoy na walang pananagutang kriminal ang dating Pangulo sa Mamasapano raid.

“With all due respect to the findings and order of the Ombudsman to file criminal charges against former President Aquino for violation of Article 177 of the Revised Penal Code (RPC) and Section 3(a) of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act, I stand by the findings and conclusions of the Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs per its Committee Report No. 120 of March 18, 2015,” saad sa pahayag ni Drilon.