Ni: Fr. Anton Pascual
KAPANALIG, hindi lamang pagkain, damit at bahay ang kailangan ng mga batang biktima ng kaguluhan sa Marawi City. Kailangan din nila ng psychological first aid.
Malalim na trauma ang dala ng anumang kaguluhan sa puso at kamalayan ng mga batang naiipit sa armed conflict. Sa Marawi, nagising na lamang ang mga bata na iba na ang kanilang mundo. Sa isang iglap, ang kanilang tahanan, ang kanilang pamayanan, ang mundong kanilang kinalakihan at ginagalawan ay naglaho na. Maraming bata ang naglahad ng kanilang takot: takot sa kasalukuyang nangyayari na karahasan ang naghahari. Takot din para sa tila dumidilim na kinabukasan ng marami.
Kaya napakahalaga ngayon ng psychological first aid (PFA) para sa mga bata sa Marawi. Ang PFA, kapanalig, ayon sa Save the Children, ay tumutulong upang maiwasan ang mga short-term at long-term psychological problem na mula sa mga “distressful” at “traumatic” incident. Kung hindi kasi nabigyan ng PFA ang mga batang biktima, maaari silang makaranas ng flashbacks o pananariwa sa naranasang trahedya, sleep disorders o hindi normal na pagtulog, nightmares o masasamang panaginip, anxiety, depression, nais mapag-isa, labis na pag-iyak, hirap sa pag-focus at iba pa.
Ayon sa UNICEF, tinatayang nasa 50,000 bata ang napalikas dahil sa giyera sa Marawi. Sa ngayon, ang ahensiyang ito, kasama ang DSWD, DepEd, at mga NGO ay abala sa pagbibigay, hindi lamang ng mga relief at sanitation packages, kundi pati ng PFA.
Napakahalaga na maramdaman ng mga batang biktima na hindi sila nag-iisa. Kailangan nila maramdaman na kahit pa kalunus-lunos ang kanilang pinagdadaanan ngayon, may pag-asa pa. Ang PFA ay isang paraan upang maibahagi nila ang kanilang mga nararamdaman sa paraang makatutulong pa sa kanilang paglago bilang susunod na mga lider ng bayan.
Ito kapanalig, bukod sa tulong sa kanila upang makabalik sa pag-aaral, ang isa sa mga pangunahing pangangailangan sa Marawi ngayon. Base sa datos ng DepEd, mahigit sa 22,000 ang mag-aaral sa elementary at high school sa probinsiya.
Marami sa kanila ay nasa evacuation center o nasa mga kamag-anak. Tinatayang hindi lahat ng 73 pampublikong paaralan at 45 pribadong paaralan ng probinsiya ang makapagbubukas uli matapos ang bakbakan dahil maraming istruktura ang nasira na ng bombahan sa siyudad.
Nagsusumamo tayo sa langit na sana ay matapos na ang kaguluhan sa Marawi at manaig na ang kapayapaan sa buong Mindanao. Ang tunay na kapayapaan, napakailap man sa Marawi ngayon, ay maaari pa rin nating maabot. Ayon nga sa Populorum Progressio, “Ang kapayapaan ay ating nabubuo sa bawat araw na ating hinahabol ang kaayusan na nais ng Panginoon para sa sangkatauhan.”