Ni: Chito A. Chavez

Dinakma ang isang lalaki, na umano’y nagpapanggap na traffic enforcer, sa entrapment operation ng security and intelligence division operatives ng Quezon City department ng public order and safety (DPOS) sa Balintawak kahapon.

Pinosasan ng DPOS team si Reynaldo Cuntapay, sinasabing nanghuhuli ng mga biyahero na naghahatid ng iba’t ibang produkto sa Balintawak market.

Si Cuntapay, ayon sa DPOS personnel, ay gumagamit ng mga pekeng deputation card at traffic citation booklet para sa kanyang ilegal na aktibidad.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

Nakuha rin kay Cuntapay ang tatlong driver’s license, isang original certificate of registration at opisyal na resibo na inisyu ng Land Transportation Office (LTO), isa umanong ledger na naglalaman ng monthly report ng kanyang collection at remittance, isang memorandum receipt para sa isang armas na sinasabing inisyu ng Quezon City Police District at P500 marked money.

Ayon kay DPOS head Elmo San Diego, makikipagtulungan ang kanyang tanggapan sa QCPD upang alamin kung tunay ang memorandum receipt na inisyu ni Cuntapay.

“Kung peke, lalo pang madaragdagan ang kaso niya,” ani San Diego.

Ayon kay San Diego, halos isang linggo nang isinasailalim sa surveillance si Cuntapay dahil sa katakut-takot na reklamo laban sa kanya.

“Madami na po tayong natatanggap na sumbong laban sa kanya. Apparently, akala ng mga hinuhuli niya, deputized siya dahil sa mga ID na hawak niya,” ayon kay San Diego.