Ni: Ric Valmonte
PARA kay Speaker Pantaleon Alvarez, napakaikli ng dalawang buwan para sa idineklarang martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao. Lalakarin umano ni Alvarez sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na mapalawig ang martial law hanggang sa taong 2022 o hanggang sa katapusan ng termino ng Pangulo. “Masyadong mahaba ito,” sabi ni spokesperson Brig. Gen Restituto Padilla ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ang magagawa lang ng militar, aniya, ay irekomenda sa Pangulo kung aalisin na o palalawigin pa ang martial law. Kasi, “political decision” niya ito.
Itinakda ng Pangulo na sa loob ng 60 araw magtatapos ang martial law. Dahil sa nalalapit na ito simula nang ideklara noong Mayo 23, pinag-uusapan na naman kung itutuloy pa ito. Pero, sabi ng Pangulo, ipinauubaya niya ito sa militar.
Ang itatagal o ikadadali ng pagtatapos ng martial law ay depende kung kailan matatapos ang niremedyohan nitong problema. Depende rin kung hanggang saan ito kailangan para sa kaligtasan ng publiko. Kung si Speaker Alvarez ang masusunod, nais niya itong tumagal hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Duterte. Ngunit, may naiulat nang mga taga-Marawi na galit sa patuloy na pagpapairal ng martial law. Dahil sa matinding hirap na dinaranas, ipinanawagan nilang wakasan na ito. May batayan ang kanilang hinaing. Paano kasi, sa nangyayari ngayon sa Marawi, llamado nang lubusan ang tropa ng gobyerno sa bakbakan. Sila ay may kumpletong armas na pandigma at dami ng mga sundalong dumudunog sa mga kalaban na, ayon sa militar, ay nasa 80 na lamang. Kahit mas marami pa sila, may eroplano ang gobyerno na nagsasagawa ng walang puknat na aerial bombing. May katulong pa silang mga sundalong Kano na nagtuturo sa kanila kung saan naroroon ang mga kalaban na babagsakan nila ng bomba.
Kung totoong may naiipit na mga sibilyan sa bakbakan, maaari namang ipagpatuloy ng gobyerno ang kanilang opensiba nang walang martial law. Kaya, para sa mga taga-Marawi, kalibasan na ito at ang pagpapatuloy ng martial law ay hindi na para sa kanilang kaligtasan at kapakanan. Maraming nawalan ng tahanan. Sa evacuation center sila naghihingalo at namamatay, depende kung sila ay makakakain o magagamot. O kaya, bahala na sa kanila ang kalikasan.
Dalawang halalan ang magdaraan sa termino ni Pangulong Digong, ang lokal at nasyonal. Sa palagay kaya ninyo, may matino pang halalan na magaganap sa ilalim ng martial law sa Mindanao? Paano kung hindi na maghalalan, tulad ng nangyari noong panahon ni dating Pangulong Marcos? Napakadaling ikalat ito sa buong bansa sa oras na ipagpatuloy ito sa Mindanao gaya ng nais ni Alvarez. Itinuturo ng katwiran na ito ay wakasan, NGAYON NA.