Ni VANNE ELAINE P. TERRAZOLA

Dinampot ang isang Uber driver at kapatid nito dahil sa umano’y pagkatay at pagbenta sa sasakyan ng kanilang operator sa Quezon City.

Inaresto ng mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) at Anti-Carnapping Unit (ANCAR) operatives sina Dexter Emerson Tiongson, 41, ng Barangay Claro Project 3, at kanyang kapatid na si Erwin Tiongson, 46, ng Barangay Malaya sa isang entrapment operation, dakong 8:00 ng umaga kamakalawa.

Arestado rin, sa follow-up operation bandang 10:00 ng umaga, ang sinasabing car parts dealer na si Abel Zamodio, 52.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon sa awtoridad, nag-ugat ang operasyon sa sumbong ni Joseph Griarte, 36, na nagsabing tinangay at ayaw ibalik ng kanyang Uber driver na si Dexter ang kanyang 2017 Toyota Vios.

Aniya, kinuha niya bilang Uber driver si Dexter noong Hunyo 24.

Noong Hunyo 30, hiniram ni Dexter ang sasakyan ni Griarte dahil sa umano’y emergency at ipinangakong isasauli agad.

Sinabi ni Griarte na tinawagan niya si Dexter noong gabing iyon ngunit nagdahilan umano ang huli na hindi niya maibabalik ang sasakyan.

Ayon pa kay Griarte, kinaumagahan ay sinubukan niyang tawagan ang kanyang driver ngunit hindi na niya ito ma-contact.

Dahil dito ay napilitan siyang puntahan si Dexter sa address nito ngunit hindi niya natagpuan.

Ini-report niya sa pulis na nawawala ang kanyang sasakyan noong Hulyo 11.

Nitong Hulyo 12, isang informant ang nagpaalam sa ANCAR na isang itim na 2017 Toyota Vios ang ibinebenta ng mga Tiongson sa halagang P150,000.

Nagpanggap na buyer ang mga operatiba at nagkasundong makipagkita sa mgakapatid na Tiongson sa Malumanay corner Mapagsangguni Street sa Bgy. Malaya.

Bigo ang mga suspek na magpakita ng kaukulang dokumento ng sasakyan, ayon sa awtoridad.

Makalipas ang dalawang oras, naglunsad ng follow-up operation sa isang car parts store sa Kalantiaw St., Bgy. San Roque, Cubao, matapos nilang inguso si Zamodio na bumili ng spare tire at mag-wheel mula sa mga suspek.

Natagpuang nakaparada ang sasakyan ni Griarte sa labas ng shop ni Zamodio.

Kinumpiska ng mga pulis ang cell phone ng biktima, na nagkakahalaga ng P42,000, mula kay Dexter na ginagamit para sa Uber.

Nakatakdang sampahan ang magkapatid na suspek ng kasong paglabag sa RA 6539 o Anti-carnapping Act of 1972 habang mahaharap naman si Zamodio sa paglabag sa PD 1612 o Anti-fencing Law of 1972.