Ni: Ellalyn De Vera-Ruiz at Dave Albarado

Nasa halos 900 aftershocks na ang naitala sa buong Eastern Visayas kasunod ng mapaminsalang 6.5 magnitude na lindol na yumanig sa Leyte, isang linggo na ang nakalipas, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon kay Jun Bonita, science research analyst ng Phivolcs, 879 na ang naitalang aftershocks na mayroong magnitude na 1.5 hanggang 5.8 simula nang tumama ang lindol nitong Hulyo 6.

Mula sa nabanggit na tala, 25 lamang umano, kasama ang 5.8-magnitude na lindol nitong Lunes, ang naramdaman at "with recorded intensities", aniya.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Dagdag pa ni Bonita, maaari pa ring makaramdam ang mga residente, partikular sa Leyte, ng aftershocks sa mga susunod na linggo.

Ayon kay Social Welfare and Development Secretary Judy Taguiwalo, sa ngayon ay 5,120 pamilya o 25,716 katao sa 20 barangay sa Eastern Visayas ang apektado ng lindol.

Dagdag pa niya, may kabuuang P3,541,760.38 halaga ng pagkain at non-food items ang naipamigay na sa mga residente ng Ormoc City at Kananga sa Leyte.

Muli namang nagkaroon ng malawakang blackout nitong Martes ng gabi habang unti-unting ibinabalik ang kuryente, bagamat may ilan pa ring nirarasyunan, sa Bohol isang linggo matapos ang lindol sa Leyte.

Ayon kay Dice Arcenal, tagapagsalita ng Bohol Light Company, Inc. (BLCI), nasa rurok ang power demand nitong Martes ng gabi.

Naibalik naman ang kuryente sa ilang lugar bandang 1:53 ng umaga kahapon.