Ni Gilbert Espena
PAKITANG gilas ang tatlong boksingero ng ALA Stable sa pangunguna ni WBO No. 2featherweight Mark "Magnifico" Magsayo nang patulugin sa unang round si Nicaraguan Daniel "El General" Diaz kamakalawa ng gabi sa Pinoy Pride 41: New Generation Warriors sa IEC Convention Center sa Cebu City.
Kaagad nagpakawala ng matitinding kombinasyon si Magsayo kaya bumagsak si Diaz. Dalawang beses pang bumagsak ang Nicaraguan bago itinigil ni referee Danrex Tapdasan ang laban eksaktong 1:45 ng round 1.
Bukod sa napanatili ang kanyang WBO International title, tiyak na aangat si Magsayo sa WBC ratings kung saan nakalista siyang No. 12 contender.
Nagwagi rin si world rated Albert Pagara na pinatulog sa 4thround ang beteranong si Aekkawee Kaewmanee ng Thailand na isinugod sa ospital matapos ang laban at wala namang nakitang pinsala sa CT scan.
Inaasahang aangat din sa world rankings si Pagara na nakalistang No. 13 featherweight sa WBO at No. 14 super bantamweight sa IBF rankings.
Pinatulog naman sa 1st round ni Jeo "Santino" Santisima si undefeated Tanzania super bantamweight champion Goodluck Mrema samantalang na-upset ni one-time world title challenger Joey Canoy si WBC No. 2 minimumweight Melvin Jerusalem via 10-round unanimous decision kaya tiyak na babalik siya sa world rankings.