Ni: Clemen Bautista

HABANG patuloy ang bakbakan ng mga sundalo ng pamahalaan at ng mga Maute group, mga kasamang Abu Sayyaf at mga terorista sa Marawi City nitong Hulyo 5, kinatigan ng Korte Suprema ang deklarasyon ng martial law sa Mindanao. Ang tinutukoy ay ang Proclamation No. 216 ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang nilagdaan at inihayag noong Mayo 23, habang siya ay nasa state visit sa Russia. Sa botohan ng mga mahistrado, labing-isa ang pabor, tatlong mahistrado naman ang nagsabing dapat limitahan ang saklaw ng batas militar sa Marawi City.

Ang nag-iisang mahistrado na tutol sa martial law sa Mindanao ay si Associate Justice Marvic Leonen. Siya ang naging chief peace negotiator ng pamahalaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong rehimeng Aquino. Sa oral argument noong nakalipas na buwan, iminungkahi ni Associate Justice Leonen na ang militar ay may kakayahan na labanan ang mga terorista sa Marawi City na hindi na kailangan ang batas militar. Ang tatlong mahistrado naman na nais isalalim sa martial law ang Marawi City ay sina Chief Justice Maria Lourdes Serreno, Senior Associate Justice Antonio Carpio, at Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa.

Sa oral argument, ipinahayag nila na sa labas ng Marawi City ay tahimik ang buong Mindanao. Ang katwiran naman ng labing-isang mahistrado na pabor sa batas militar ay naaayon sa 1987 Constitution ang Proclamation No. 216.

Night Owl

Marupok ang demokrasya—ngunit nasa mamamayan ang tunay na lakas nito

Sa pagkatig ng Korte Suprema sa martial law, tuluyang ibinasura ang mga pinag-isang petisyon na inihain ng mga mambabatas mula sa oposisyon, sa pangunguna ni Albay Rep. Edcel Lagman, militanteng grupo, Bayan, Gabriela, ACT Party-list, Kabataan Party-list at ng apat na residente ng Marawi City, Lanao del Sur.

Alinman sa desisyon ng Korte Suprema, karaniwan nang may mga kababayan tayo na nagpapahayag ng kanilang mga pananaw at reaksiyon. Gayundin ang mga mambabatas. Tulad ng pagkatig ng Korte Suprma sa martial law, kinondena ito ni Bayan Secretary General Renato Reyes at sinabing binigyan ng Korte Suprema ng batayan ang pagpapalawig sa batas militar.

Ayon naman sa mambabatas ng oposisyon, dahil sa desisyon ng Korte Suprema ay nalagay ang bansa sa “de facto military junta.”

Ayon naman kay Rep. Teddy Baguilat, isa sa mga petitioner laban sa Proclamation No. 216 ni Pangulong Duterte, ang pagkatig ng Korte Supema ay maaaring maging dahilan ng pagpapalawak ng martial law sa buong bansa sapagkat ang Kongreso ay madaling yumuko sa kagustuhan ng Malacañang. Maaaring gamitin ang kanilang mga kapangyarihan batay sa Konstitusyon na payagan ang batas militar. Ang pagpapalawak ng martial law ay maaaring maging isang malaking hakbang na payagan sa pagiging diktador.

Sa pananaw naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, ang desisyon ng Korte Suprema sa pagkatig sa batas militar ay isang banta na maglalagay sa bansa sa higit pang mapanganib na kalagayan. Maaari nating asahan ang matinding paglabag ng militar at ng pulis sa mga karapatang pantao at lalong malalagay sa panganib ang buhay ng ating mga kababayan hindi lamang sa Marawi, kundi sa buong Mindanao. At sa pananaw ni Akbayan Rep. Tomasito Villarin, ang pagkatig ng Korte Suprema ay babala ng isang gumagapang na authoritarian rule na nagbabalat-kayong pampublikong kaligtasan at seguridad.

Nagkakaisa naman ang ilang Rizalenyo sa pagsasabing ngayong kinatigan ng Korte Militar ang deklarasyon ng batas militar sa Mindanao, huwag nang tigilan at puspusan na ang pagsugpo sa lahat ng mga gumagawa ng kaguluhan sa Mindanao. Magkaroon ng katahimikan at kaayusan at maisulong ang pagtulong ng pamahalaan upang umunlad ang Mindanao.