Ni: Manny Villar
ANO ang nagtutulak sa isang tao upang ibuwis ang kanyang buhay para mabuhay ang kapwa nang malaya? Ano ang nagtutulak sa isa para iwan ang pamilya at mga mahal sa buhay at magtungo sa mga mapanganib at magulong dako sa bansa upang tumulong sa pagpapanumbalik ng kapayapaan at kaayusan?
Mahirap sagutin ang mga katanungang ito, ngunit para sa mga magigiting na lalake at babae sa hukbong sandatahan at pambansang pulisya, ito ay dahil sa tawag ng tungkulin. Simpleng katapangan, para sa bayan.
Namamangha ako sa katapangan na ipinakita ng ating mga kawal na nakikipaglaban para sa ating kalayaan. Habang isinusulat ko ang pitak na ito, umabot na sa 62 ang namatay sa panig ng puwersa ng pamahalaan sa Marawi.
Pinasasalamatan ko sila – mga kawal, pulis at kanilang pamilya – dahil sa sukdol na sakripisyo sa pagtatanggol sa Republika.
Ang pinakamaliit na magagawa natin ay kalingain ang mga pamilya ng mga namatay na bayani. Nagagalak ako at nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na tutulungan ang kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng kabuhayan at edukasyon. Ipinangako rin niya na daragdagan ang suweldo ng mga pulis at sundalo at bibigyan sila ng mabubuting armas upang labanan ang mga kaaway ng kapayapaan.
Sa karaniwang tao, ang katapangan ay isang simpleng konsepto, ngunit sa mga sundalo at pulis, ito ay solemniyang tungkulin upang ipagtanggol ang ating pamumuhay kahit mangahulugan ng pagbubuwis ng kanilang buhay. Ito ay kabayanihan.
Ito ang isinasaad ng Code of Conduct ng Armed Forces of the Philippines, na nagsasabing ang isang sundalo ay lalaban at mamamatay batay sa tunay na mga tradisyong Pilipino ng katapangan, katungkulan at katapatan.
Para sa isang sundalo, hindi ito hungkag na salita kundi isang misyon sa buhay.
Habang nililimi ang katapangan ng mga sundalo, nagiging tila... napakaliit ng mga problemang kinakaharap natin sa araw-araw, gaya ng masikip na trapiko, mga problema sa trabaho, mataas na presyo ng mga bilihin at kawalan ng hanapbuhay.
Kaya nga hindi sapat na pasalamatan lamang sila. Dapat nating tiyakin na hindi masasayang ang kanilang sakripisyo. Sa ating sariling paraan, tumulong tayo upang maging mas mapayapa, malaya, maunlad at mapagkalinga ang ating bayan.
Ito ang pinakamabuting paraan upang matumbasan natin ang katapangan at kabayanihan ng ating mga kawal.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)