Ni: Aaron Recuenco

Sumuko ang isang police official, na nakatalaga sa Taguig City, matapos lumutang ang kanyang pangalan sa imbestigasyon sa grupo ng barangay security officers na umaresto at nangotong sa isang driver ng truck at helper nito sa gawa-gawang anti-drug operation.

Isinangkot si Senior Insp. Cesar Espejo, precinct commander sa Taguig City, bilang mastermind ng isang modus operandi na inaaresto ang mga driver ng truck at iba pang tao na tinatakot na drug charge upang mapilitan ang biktima na maglabas ng pera, sa pamamagitan ng mga barangay tanod na nagpapanggap na pulis.

“He (Espejo) admitted that they received R30,000 in exchange for the release of the truck driver. Accordingly, he took the P5,000 and give it to a certain Big Boy and the remaining P25,000 ‘for the boys’,” pahayag ni Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP).

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“For the boys” ay isa sa mga police lingos na tumutukoy sa pera na ibinibigay ng commander sa kanyang mga tauhan para gamitin sa drinking session na kadalasan ay sa nightclubs.

Nag-ugat ang pagsuko ni Espejo sa reklamo ng isang babae na nagtungo sa tanggapan ng Counter-Intelligence Task Force (CITF) sa Camp Crame sa Quezon City upang humingi ng tulong laban sa grupo ng umano’y pulis na umaresto sa kanyang live-in partner sa Taguig City.

Bukod sa driver ng truck, inaresto rin ng mga suspek ang helper nito. Tinawagan nila ang kani-kanilang asawa at humingi ng pera upang sila ay makalaya.

Hindi nagtagal, pinalaya ang driver ng truck matapos magbayad ng P30,000 habang ang helper ay ikinulong dahil sa kahirapang makapagbayad ng P10,000 na ibinaba sa P6,000.

Hindi nagpatumpik-tumpik ang CITF at ikinasa ang entrapment na nagresulta sa pagkakaaresto nina Reggie Adrales, Bobby Tejero, Rolly Barcelo, Antonio Bontia, Antonio Bag-ao at Stephanie Villanueva, pawang barangay tanod ng Western Bicutan sa Taguig.

Ayon kay Senior Supt. Chiquito Malayo, CITF commander, naaresto rin sa follow-up operation ang isa pang suspek na kinilalang si Edwin del Valle.

Ilan sa kanila ay nakuhanan pa ng baril nang arestuhin.

Ang mga kasong isinampa laban sa mga suspek ay kidnapping, usurpation of authority at illegal possession of firearms, ayon kay Dela Rosa.