Ni: Bert de Guzman

KUNG galit na galit si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa pamamayagpag ng illegal drugs sa bansa na noon ay ipinangako niyang susugpuin sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, galit na galit din siya sa kurapsiyon na umano’y dahilan kung bakit hindi umuunlad ang Pilipinas.

Ibinoto siya ng 16.6 milyong Pinoy na sawang-sawa na sa paghahasik ng lagim at kamatayan ng drug pushers at users.

Inilampaso niya si Mar Roxas na “bata” ni ex-PNoy at ng Liberal Party kahit sangkaterba ang pondo o salapi nito sa kampanya. Hindi nalipol ni PRRD ang illegal drugs sa 3-6 buwan at hindi rin siya nagbitiw sa puwesto para isalin ang “korona” sa bise presidente. Bilib na bilib ang mga tao noon sa kanyang matapang na salitang “I will kill you.”

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May lakas ka dahil kasama mo si Kristo

Bunsod ng labis na pagkamuhi niya sa illegal drugs na sumisira umano at nagpapaimpis sa utak ng mga kabataan, inilunsad ang walang patawad na kampanya laban sa drug pushers, users. Gayunman, nagtataka ang mga Pinoy kung bakit kakaunti ang naitutumbang drug lords at suppliers ng mga tauhan ni PNP Chief Gen. Bato, pero araw-araw ay may natutumbang nakatsinelas at maruruming tulak at adik na nanlaban daw gamit ang caliber .38 revolver. Nasa 9,000 na raw ang napapatay sa illegal drug war bagamat pinabulaanan ito ng PNP.

Sa tindi ng galit niya sa kurapsiyon, sinibak ni Mano Digong ang ilang matatapat na alyado, tulad nina ex-DILG Sec. Mike Suenco at National Irrigation Administration chief Peter Lavina. Sa talumpati niya sa Clark kamakailan, inihayag niya na isa pang opisyal ang sisibakin dahil humihingi raw ng tig-P2 milyon sa bawat locator sa Clark Development Development (CDC). Habang isinusulat ko ito, hindi pa niya sinisibak ang naturang pinuno. Sino ba siya?

Pabiro pang sinabi ni PDU30 na mas “masuwerte” pa sa kanya ang opisyal na ito dahil kumikita ng P2 milyon bawat locator, pero siya ay nagtitiis sa sahod na P130,000 kada buwan bilang pangulo. Nakaisang taon na sa puwesto si PRRD.

Batay sa surveys ng Social Weather Stations at ng Pulse Asia, nananatiling mataas ang kanyang approval at trust ratings. Pabor pa rin ang mga Pinoy sa paglaban niya sa ilegal na droga. Ang ayaw lang nila ay ang walang patumanggang pamamaril at pagpatay sa pinaghihinalaang tulak at adik na nadadamay pa ang mga kaanak na natutulog.

Mahilig magbiro si Pres. Rody kahit siya mismo ang tinatamaan (at his expense). Meron siyang rape jokes. Nagkaroon din daw siya ng kurapsiyon noon, pero ubos na at itinigil na niya. Nitong huli, nagbibiro siya na ang matutuwa kapag siya’y namatay ay sina Sens. ... Leila de Lima at Antonio Trillanes. May mga espekulasyon kasi na siya ay may sakit o kaya naman ay baka bumagsak ang kanyang eroplano dahil sa thunderstorm.

Nagbiro rin siya na matutuwa si Vice Pres. Leni Robredo kung hindi niya matatapos ang termino. Gayunman, sinabi niyang okey lang si beautiful Leni sapagkat siya naman ang constitutional successor. Nitong mga huling araw, nagpakita si Mano Digong sa publiko, at tama yata si Presidential adviser on legal matters na si Salvador Panelo, na ang Pangulo ay “kasinglakas ng toro (bull)”. Tama rin siguro ang pahayag ni Trillanes na matagal ang buhay ng “masamang damo.”