Nina AARON RECUENCO at BELLA GAMOTEA

Sabay-sabay inaresto ang anim na barangay tanod, na pawang nagpanggap na pulis, nang hulihin ang isang driver ng truck at pahinante nito na umano’y kinikilan nila sa Taguig City.

Ayon kay Senior Supt. Chiquito Malayo, director ng Counter-Intelligence Task Force ng pulisya, inaresto ang anim na tanod sa entrapment ng kanyang mga tauhan sa Taguig City, bandang 7:30 ng umaga kahapon.

Kinilala niya ang mga inaresto na sina Regie Adrales, Rolly Barcelo, Bobby Tejero, Antonio Bontia, Antonio Bag-ao at Stephanie Villanueva. Sila ay pawang barangay tanod ng West Bicutan.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

“The operation also resulted in the rescue of the truck helper identified as Julius Lee Sabiano,” ayon kay Malayo.

Nakuha mula sa mga suspek ang isang 38 revolver, isang .45 pistol at isang 9mm pistol, marked money na ginamit sa operasyon.

Sinabi ni Malayo na nag-ugat ang operasyon sa pagtungo sa tanggapan ng isang complainant at isinumbong ang mga pulis na nangikil ng pera sa kanyang asawa, isang driver ng delivery truck mula sa San Rafael, Bulacan.

Ayon kay Malayo, sinabi ng complainant na nagpakilala ang mga suspek bilang miyembro ng Taguig Police Station at nanghihingi ng P10,000 kapalit ng paglaya ng kanyang asawa.

“The truck driver and the helper were allegedly arrested for an alleged drug case,” ayon kay Malayo.

Base sa instruction ng mga umano’y pulis, ipinapadala ang pera malapit sa Sto. Niño Hospital sa Taguig City. Inaresto ang mga suspek matapos tanggapin ang pera.

Dito na nalaman na nakatanggap na ang mga suspek ng P30,000 mula sa driver ng truck at ang perang hinihingi nila ay para sa paglaya ng helper.

Inihahanda na ang kaukulang kaso na isasampa laban sa mga suspek na pawang dinala sa CITF headquarters sa Camp Crame sa Quezon City.