Ni JIMI ESCALA
SA programang Rated K ni Korina Sanchez naglabas ng hinanakit ang ka-live-in ni Jovit Baldivino na si Shara Chavez.
Inilahad ni Shara ang ilang dahilan ng paghihiwalay nila ng mang-aawit.
Ayon sa kanya, iresponsableng ama si Jovit.
“As a father, irresponsible siya. Hindi po siya family man. Hindi pa po siya ready maging ama,” sabi ni Shara.
Kuwento pa ng ina ng anak ni Jovit, nag-umpisang maging magulo ang pagsasama nila nang magdalantao na siya. Dumalas ang kanilang pag-aaway lalo na nang malaman niya na nalululong na si Jovit sa sabong.
Pero tiniis daw niya ang lahat para sa kanilang anak. Ang hindi na niya nakaya ay ang pambababae ng singer.
“Hindi ko na po ito laban, laban na rin po ito ng anak ko,” diretsahang sabi ni Shara.
Sa lahat ng mga pinagdadaanan nilang ito, nakahanda siyang palakihing mag-isa ang anak nila ng dating Pilipinas Got Talent champion.
Hindi pinababayaan si Shara ng kanyang pamilya na laging nakasuporta sa mga pangangailangan nilang mag-ina. Ayon sa kanyang ama na si Allan Chavez, itinuring na rin nilang parang anak si Jovit.
“Sadya namang kahit pa nu’ng una, eh, anak ang turing ko sa kanya. Pero sa mga nakaraang araw, wala, wala kahit ni text o ano pa man akong natatatanggap sa kanya,” sabi ng ama ni Shara.
Pinakiusapan ni G. Chavez si Jovit na sana ay ayusin ang relasyon nito sa anak niya. Nilinaw niya na wala silang balak na siraan si Jovit Baldivino.