Nina AARON RECUENCO, FER TABOY at MARY ANN SANTIAGO

Iniutos ni Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), na ipadala sa Marawi City ang dalawang pulis-Mandaluyong na kapwa nambugbog sa dalawang indibiduwal na lumabag sa barangay ordinance.

Galit na galit na sinabi ni Dela Rosa na sa Marawi City nararapat ipadala sina PO1 Jose Julius Tandog at PO1 Chito Enriquez upang masubukan ang kanilang tapang.

Nagtungo si Dela Rosa, kasama si Director Oscar ALbayalde, head ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sa Mandaluyong City police upang kumprontahin ang dalawang pulis.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP, hiyang-hiya ang buong kapulisan sa ginawa ni Tandog na napanood sa video na hinahampas, gamit ang stick, ang inarestong lalaki na lumabag sa ordinansa ng barangay.

“The video was shown to the Chief PNP and he got mad. He immediately went to the police station (kung saan nakatalaga ang dalawang pulis),” pahayag ni Carlos, tinutukoy ang video na nag-viral sa social media.

Palihim na kinunan ng video ng isa sa mga biktima ang pangmamaltrato sa kanila na una nang inaresto dahil sa pag-inom ng alak sa labas ng bahay, na isa sa mga ipinagbabawal sa kanilang barangay.

“The intention of the chief is for them to be deployed to Marawi. Dun daw nila ilabas ang tapang nila,” ani Carlos.

Kaugnay nito, handa umano ang dalawang pulis na harapin ang parusa sa kanilang ginawa.

“I am willing to accept the sanctions that would be given by the higher authorities,” ani Tandog.