Ni ARIS R. ILAGAN

PANGINOONG Diyos, maraming salamat po!

Unti-unti na akong nakapaglalakad at nakapagmamaneho ng aking sasakyan upang makapasok sa opisina. Matapos ang isang buwan at isang linggong pamamalagi sa bahay dahil sa pagkakasangkot sa isang malagim na aksidente, dahan-dahan nang bumabalik ang normalidad sa buhay ko.

Bagamat may kirot pa rin sa aking bukong-bukong sa pagkabugbog na inabot nito sa pagsirko ko nang sumalpok ang aking sinasakyang motorsiklo sa isang kotse na biglang nag-U turn sa Silang-Tagaytay National Highway, natitiis ko ito upang makapalakad kahit mabagal.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ngayon ko lang naranasan ang hirap ng may kapansanan. Masakit ang katawan, mabagal kumilos, mistulang pagong sa bagal lumakad, at laging hinahapo.

Sa awa ng Diyos, may mga taong nakaiintindi sa hirap ng kalagayan ng isang PWD (person with disability) kaya nagbibigay-daan o nag-aalok sila ng mauupuan para sa mga pobreng tulad ko.

Subalit meron pa ring matitigas ang mukha at pinaiiral ko na lang ang pasensiya para huwag lumala ang kirot na nararamdaman ng katawan ko.

Sa pagtawid pa lang sa kalsada, kailangan ko pang itaas ang isa kong kamay upang maawa sa akin ang mga driver ng mga sasakyan para padaanin nila ako. Parang hindi pa nila napapansin ang saklay na gamit ko, at ‘tila dedma sa pagka-PWD ko.

Sa aking pagtawid, hindi ako makatakbo o makalakad man lang nang mabilis. Wala man lang pulis o traffic aide na umaalalay sa pagtawid ko sa intersection.

Ganito na ba talagang kalala ang kultura dito sa Pilipinas? Ang kawalang-malasakit?

Mismong sa elevator, minsan ay kumakaripas ang mga sasakay, at wala man lang isa sa kanila na pumipindot sa mga button upang mapanatiling bukas ito para makapasok ako o kaya ay hindi maipit sa paglabas o pagpasok sa elevator.

Sa pagsakay sa taxi, hindi man lang bumababa ang driver upang buksan ang pinto sa pagpasok ko sa sasakyan, at dahan-dahan itong isara kapag ako’y nakapasok na.

Nasaan na ang mga Good Samaritan? Naubos na ba ang kanilang lahi?

Ito ang tunay na sitwasyong kinahaharap ng mga taong may kapansanan, na aking naranasan kahit sa maikling panahon lang.

Sa puntong ito, naalala ko na maging sa mga mass transport system, tulad ng LRT at MRT, ay wala ring bigayan. Kaya naman karaniwang talo sa siksikan ng mga pasahero ang mga may kapansanan.

Malinaw na nakapaskil sa loob ng tren: “This seat is reserved for PWD” ngunit sige pa rin ang iba sa pag-upo roon.

Silang mga walang kapansanan.

‘Ika nga nila: Patigasan lang ng mukha ‘yan!