Ni: AP

CARACAS – Isang ninakaw na police helicopter ang nagpaulan ng bala at granada sa Supreme Court at Interior Ministry ng Venezuela, na ayon kay President Nicolas Maduro ay napigilang “terrorist attack” na naglalayong patalsikin siya sa kapangyarihan.

Nangyari ito habang nagsasalita nang live sa telebisyon si Maduro mula sa presidential palace nitong Martes. Kalaunan ay sinabi niya na hinagisan ng mga granada ang korte at hindi sumabog ang isa kayat naiwasan ang pagkalagas ng maraming buhay.

Nakadagdag sa intriga ang lumabas na larawan sa social media ng isang police helicopter na may bandila ng mga kontra sa gobyerno, kasabay ng video ng isang diumano’y police pilot na si Oscar Perez na nananawagan ng rebelyon laban sa “tyranny” ni Maduro. Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang lalaki.

Internasyonal

Pinay tourist sa Taiwan, nabangga ng tren habang nagpipicture

Kalaunan ay binasa ni Information Minister Ernesto Villegas ang isang pahayag mula sa gobyerno na inaakusahan ang helicopter ng 15 beses na pagbaril sa Interior Ministry habang ginaganap ang pagdiriwang ng national journalist’s day. Sunod na nilipad ng helicopter ang karatig na Supreme Court, habang nasa sesyon, at hinagisan ng apat na granada, ang dalawa ay tinarget ang national guardsmen na nagpoprotekta sa gusali.

Sinabi ni Maduro na walang nasaktan sa pag-atake.