Ni: Light A. Nolasco
CABANATUAN CITY – Sa loob ng mismong Simbahang Katoliko nasalisihan ng hindi nakilalang babae ang isang ginang habang nagsisimba ang huli sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, nitong Linggo ng umaga.
Sa ulat na nakalap ng Balita mula sa tanggapan ni Supt. Ponciano Zafra, hepe ng Cabanatuan City Police, nakilala ang biktimang si Lucia Torres de Guzman, 51, ng Purok Masagana, Barangay Daan Sarile, Cabanatuan.
Nabatid na dakong 11:00 ng umaga nang matuklasan ni De Guzman na nawawala ang kanyang pouch bag na naglalaman ng P51,000, habang nagsisimba siya sa San Nicholas de Tolentino sa may Del Pilar Street, Bgy. Gen. Luna.
Sa review sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera ay natuklasang isang babae ang tumabi kay De Guzman at tumangay sa kanyang bag bago mabilis na lumabas sa simbahan.