Ni: Bella Gamotea

Nalagutan ng hininga ang isang pahinante habang agaw-buhay naman ang kanyang driver nang sumalpok ang 14-wheeler truck sa sinusundang truck sa Makati City, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot si Marvin Dela Cruz, 26, helper, ng Platero, Biñan Laguna.

Dinala naman sa pinakamalapit na ospital ang hindi pa nakikilalang driver na nagtamo ng mga sugat at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sa inisyal na ulat ni SPO2 Monterde, ng Makati City Traffic Department, naganap ang banggaan sa South Super Highway, sa kanto ng Gregorio Street, southbound lane Barangay Magallanes, dakong 4:50 ng madaling araw.

Nabatid na binabagtas ng 14-wheeler, na kargado ng buhangin, ang South Super Highway at sinusundan nito ang isang container van nang bumulusok pababa ang unang truck at sumalpok sa likurang bahagi ng van.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ng ilang metro ang pahinanteng si Dela Cruz at bumulagta sa kalsada habang kritikal naman ang kanyang driver matapos mawasak ang harapan ng minamanehong 14-wheeler truck.

Mahaharap ang driver sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.